HALOS isang taon ang nakalipas makaraang ipalabas ng Arbitral Court sa The Hague, sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang desisyon nitong kumakatig sa pag-angkin ng Pilipinas sa ilang teritoryo sa South China Sea. Inilabas ang pasya noong Hunyo 12, 2016.
Gayunman, simula noon ay walang ginawang anumang hakbangin ang Pilipinas upang segundahan ang pasya na hayagang tinanggihan ng China, dahil taliwas ito sa pag-angkin ng huli sa halos 80 porsiyento ng South China Sea batay sa nasasaklawan ng nine-dash line na nakapalibot sa katimugan mula sa Hainan Island, sa silangan ng Palawan, at pahilaga sa kanluran ng Luzon at Taiwan.
Sinabi ni Pangulong Duterte nang maluklok siya sa puwesto noong Hunyo 2016 na bagamat pinaboran tayo sa idinulog nating kaso sa Arbitral Court, mas mahalaga sa ngayon ang pag-ibayuhin natin ang ating mabuting ugnayan sa China.
Kaya naman sa nakalipas na mga buwan, walang binabanggit ang Pilipinas tungkol sa Arbitral ruling, bagamat naninindigan ito sa mga inaangking teritoryo. Gaya halimbawa nitong Abril 21, binalewala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpigil ng mga Chinese sa paglapag ng kinalululanan niyang eroplano sa Pagasa Island sa Spratlys kung saan matagal nang may komunidad ng mga Pilipino.
Sa susunod na linggo, idaraos ng dalawang bansa ang unang bahagi ng diyalogo sa mga inaangking teritoryo. Tutukuyin sa pulong na ito “where the difference lies”, ayon kay Philippine Ambassador Jose Santa Romana.
Sa pulong na ito, inaasahang maninindigan ang Pilipinas sa ipinaglalaban nito, na kinatigan pa nga ng desisyon ng Arbitral Court noong 2016, kabilang ang karapatang galugarin ang ilang islang nasa kanluran ng Palawan at ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na makapalaot sa tradisyunal nilang pangisdaan sa paligid ng Scarborough Shoal sa kanluran ng Zambales. Samantala, inaasahan namang igigiit ng China ang nine-dash line nito sa halos buong South China Sea, batay sa sinaunang mapa ng China. Ang lahat ng islang inaangkin ng Pilipinas at ng iba pang bansa sa Timog Silangang Asya ay nakapaloob sa iginigiit ng China na nine-dash line maritime territory.
Wala tayong inaasahang mapagkakasunduan sa unang pagpupulong na ito sa susunod na linggo, dahil ang layunin lamang nito ay ang alamin “where the difference lies”. Ang unang pulong ay isasagawa isang linggo pagkatapos ng Belt and Road Forum for International Cooperation, nang hiniling ng China ang suporta ng ilang pinuno ng mundo, kabilang na si Pangulong Duterte, para sa isang programang nagsusulong ng pagtutulungang pang-ekonomiya na mag-uugnay sa maraming bansa.
Sa nakalipas na mga taon, hindi nagmamaliw ang paggiit ng China sa soberanya at hurisdiksiyon nito sa halos buong South China Sea, isang paninindigang hindi sinusuportahan ng alinmang bansa. May pag-asa naman sa panig ng ilan sa ating mga opisyal na sa gitna ng pagpupursige ng China na makakuha ng suporta para sa Belt and Road program nito, posibleng maging mas bukas ito sa mga konsiderasyon, at sa pakikipagkasundo sa mga bansang gaya ng Pilipinas, sa sarili nitong legal na paninindigan.