KUNG ang pagbabasehan ay ang mga manood ng telebisyon sa aming bayan, totoo ang resulta ng AGB Nielsen household survey na nangunguna ang GMA-7 primetime programs. Sa katunayan, karamihan sa mga bata ay Encantadiks, mga karakter sa Encantadia ang kanilang nilalaro.
Ganoon kasikat ang mga bida sa fantaserye ng Siyete, katulad din nina Alden Richards at Maine Mendoza (sa Destined To Be Yours); Barbie Forteza at hunk suitors niya - Ken Chan, Jak Roberto, Ivan Dorschner, Andy Raj (Meant To Be); at sina Mike Enriquez, Arnold Clavio at Ali Soto sa DZBB TV Na, Radyo Pa.
Ang unang dahilan ng pagtangkilik sa GMA-7 ay ang maikling panahon ng pagpapalabas nila ng mga pangunahing programa laban sa ABS-CBN na bumibilang ng taon.
Kung Ang Probinsyano, ang mahigpit na kalaban ng Encantadia, ay walang katapusan ang pagdadagdag ng mga karakter, ang Encantadia ay paulit-ulit din naman ang agawan sa makapangyarihang brilyante at labanan ng mga kaharian. Ngayon, sa huling linggo, asahan nang patuloy pa rin ang labanan na lulutasin lahat sa huling palabas.
Bakit daw hindi magawa kaagad ng mga manunulat ang kalutasan para ang mga huling gabi ng panonood ay maging masaya at magaan sa dibdib ng mga Kapuso na gustong malibang kaysa mabagot?
Sana ang huling dalawang linggo ng Destined To Be Yours (DTBY) ay maiba. Tinatawagan ang creative writers na gumamit ng reverse thinking. Halimbawa, sina Sinag at Benjie naman ang magpahirap kina Thea and Catalina! Hindi ba maaring maging mas matalino ang mga bida kaysa sa kontrabida? O talaga lamang may pagkanegatibo at sadista ang creative thinkers ng TV networks?
Sa mga gumaganap, walang buhay ang patulang dialogue delivery nina Rochelle Pangilinan at Joross Gamboa sa Encantadia. OA naman si Gardo Versoza, bagay sa matapang na mukha ni Ina Feleo ang pagiging kontrabida, at walang dudang mahusay ang poging si Alden Richards at natural na komedyante si Maine Mendoza sa DTBY. Parang batang Romeo Vasquez ang kaguwapuhan at galing sa pag-arte ni Alden.
Sa DZBB-AM programa nina Mike Enriquez, Arnold Clavio at Ali Sotto, bakit naman umaabot ng isang oras ang pahulaan ni Igan? Wala na bang maidagdag na kaalaman para sa nakikinig? Nakakaasiwa rin na ang mahusay na singer na si Ali ay komportable sa kanyang ekpresyong “ano” at “pwet,” at ang talented na si Igan ay para bang gustong ipagmalaki ang kanyang subconscious sexuality (sa kanyang kasalukuyang edad, huh!), habang ang paladasal na si Mike ay mas mahaba pa ang komento kaysa sa field reporter.
Sa panghapong Walang Siesta, hindi nakatutulong sa tagapakinig ang maling pagsasalita ng English ng isang host.
Maanghang din ang kanyang patutsada sa dalawang kasamang anchors na sina Totsie, na mas mahusay at natural, at si Mega na tagapamagitan.
Layon lang ng mini-review na ito na pagbutihing lalo ang handog na “Makulay na Summer” ng GMA sa pangunguna ng Mulawin vs Ravena at My Love From The Stars. Bilang bahagi ng web of entertainment life, alam ng manunulat na ito na kayang-kaya pang mamayagpag ng GMA sa pamamagitan ng mas pinagandang mga programa. Go, gun for the top, GMA!
(Si Pit Maliksi ay UST/Central Texas College alumnus, at 11 taon nang Most Outstanding Professor sa PUP-Sto. Tomas, Batangas. --Editor) (PIT M. MALIKSI)