Haharangin ng Office of the Ombudsman ang anumang planong gawing state witness ang sinasabing utak ng “pork barrel” fund scam na si Janet Lim-Napoles.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, hindi niya pahihintulutang mapabilang sa testigo ng pamahalaan si Napoles sa planong muling buksan ang imbestigasyon sa Priority Development Assistant Fund (PDAF) scam.

“As far as the prosecution is concerned, she is one of the principal alleged malefactors. So, certainly the Office of the Special Prosecutor (OSP) will block any attempt to make her a state witness,” pagdidiin ni Morales.

Aniya, tutukuyin ng OSP kung maaaring maging testigo ng gobyerno si Napoles, ngunit ang anti-graft court pa rin ang mag-aapruba nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Lumutang ang planong gawing testigo si Napoles matapos siyang maabsuwelto ng Court of Appeals (CA) sa serious illegal detention na isinampa laban sa kanya ng pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy.

Kasunod nito, nagdesisyon ang Sandiganbayan na ilipat sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Napoles mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Nailipat na kahapon sa Camp Bagong Diwa at sumalang sa panibagong booking procedure, physical examination at re-orientation si Napoles.

Batay sa ulat dakong 4:10 ng umaga kahapon nang umalis sa Correctional sa Mandaluyong si Napoles sakay sa van at bantay-sarado ng 50 tauhan ng Regional Public Safety Batallion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), Special Weapons and Tactics (SWAT) at Bureau of Corrections (BuCor) na kasama sa kanyang convoy patungo sa kampo.

(Rommel Tabbad at Bella Gamotea)