Nakatakdang magpiyansa si dating officer-in-charge governor Datu Sajid Islam Uy Ampatuan ng Maguindanao matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Sandiganbayan Sixth Division dahil sa patung- patong na kasong graft, malversation at falsification of public documents.
Sa kabuuan ay mayroong 197 kasong nakahain sa Fifth at Sixth divisions. Ang pinakamalaking bulto ng mga kaso - 137 falsification of public documents, 4 counts ng malversation at 4 counts ng graft – ay hawak ng Sixth Division.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa maling paggamit ni Ampatuan sa pondo ng bayan na nakalaan sa pagbili ng mga tabla para sa pagkukumpuni sa mga gusali ng paaralan sa lalawigan. Ang kabuuang pondo na P72,256,140 ay iniulat na inilipat sa mga pekeng lumber company gamit ang mga huwad na disbursement voucher.
Walong kasong falsification at walong kasong graft ang napunta sa Fifth Division. Itinakda ang piyansa sa P4 milyon - P3,480,000 sa falsification, P160,000 sa malversation, at P360,000 sa graft. Magbabayad naman siya ng P3.568 milyon sa Sixth Division. (Czarina Nicole O. Ong)