LIBRE na ang taunang physical at medical check-up ng mga propesyonal na boksingero sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Ubial, maglalabas umano siya ng memorandum sa lahat ng mga pampublikong ospital para sa libreng pagpapagamot ng mga boksingerong Pinoy.

Ipinahayag ito ni Ubial matapos dumalo sa tatlong araw na boxing convention ng Games and Amusement Board (GAB) sa Waterfront Hotel sa Davao.

Ayon kay Ubial, hindi na magbabayad ang mga propesyonal na boksingero sa kanilang annual check-up sa regional facilities ng Department of Health (DOH).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nabatid na ang annual physical and medical check-up ay isang rekisito para makakuha ng lisensya sa GAB ang mga boksingero upang makasali sila sa mga propesyunal na laban.

Sakop aniya ng serbisyo ng DOH sa mga propesyonal boxers ang CT scan at MRI procedures na pagbabatayan kung handa o fit sa pakikipagtagisan ng galing sa ibang boksingero.

Bukod rito, sinabi ni Ubial na isinusulong din ang pagkakaloob ng PhilHealth sa lahat ng boksingero at pagbibigay sa pamilya ng mga ito ng full government subsidy.

Sa kanyang panig, nagpasalamat naman si GAB Chairman Abraham Mitra dahil sa malaking tulong aniya ito at makatitipid ang mga boksingero ng P2,500 para sa CT scan at P4,500 hanggang P6,500 para naman sa MRI. (Mary Ann Santiago)