MASARAP talaga maging mayaman, lalo na rito sa Pilipinas. Lahat ng gusto mo ay mabibili mo, pati na nga HUSTISYA na napakailap sa mga kababayan nating kapus-palad, ay may katumbas ding halaga. Kaya gaano man kabigat ang asunto ng isang nakaririwasa, siguradong agad itong makalalaya habang dinidinig ang kaso sa hukuman. Ngunit kapag mahirap ka, umasa kang mabubulok ka muna sa kulungan kahit ‘di pa man napatutunayang ikaw nga ang may kasalanan, dahil wala kang perang pampiyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Pagsisintir na may halong sigaw at pagmumura ang narinig ko sa isang grupo ng mga kargador na naghuhuntahan habang naghihintay sa mga idinidiskargang isda, karne at mga gulay mula sa mga delivery truck na nakaparada sa may gawing tagiliran ng isang palengke sa Cubao, kung saan ako pumarada para mamalengke.

Ang sentro ng kanilang pag-uusap ay ang headline na – Cebu Judge OKs road rage suspect’s bid to travel abroad – sa isang online news portal, na pasa-pasa nilang binabasa sa cell phone, na nakakonekta sa libreng pampublikong Wi-Fi sa naturang lugar, ng isa nilang kasamahan.

Sa nasabing balita, pinahintulutan ng korte na dumidinig sa kaso ni David Lim, Jr., isang anak mayaman sa Cebu City na inakusahan ng “frustrated homicide” at “illegal possession of firearms and ammunitions”, na makabiyahe sa ibang bansa para makasama ang buo niyang pamilya sa pamamasyal sa United States at Canada sa loob ng dalawang linggo, gayong may petisyon din sa kanyang “Hold Departure Order”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang halos sabay-sabay na namutawi sa kanilang mga labi: “Magkano kayang dahilan ito?!” Dagdag komento pa nila: “Kung mahirap lang ‘yan, siguradong Tokhang na agad ‘yan!”

Sa pagpapalitan nila ng kuru-kuro, napag-alaman ko na si Lim, Jr. ay pamangkin ng isang maimpluwensiyang “drug lord” sa Central Visayas at nagkataon pang “kumpale” raw ng isang “trusted government official” ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, kaya halos ‘di raw ito makanti man lang ng awtoridad sa siyudad.

Ang nagsampa ng demanda ay ang nurse na si Ephraim Nuñal na malubhang nasugatan matapos siyang pagbabarilin ni Lim Jr., dahil lamang sa away trapiko sa F. Sotto Street, Barangay Kamputhaw, Cebu City noong Marso 19, 2016.

Ang pangyayari ay kinunan ng dashboard video cam at in-upload at nag-viral sa social media. Nakapagpiyansa si Lim, para sa pansamantala niyang kalayaan, ng P24,000 para sa kasong frustrated homicide at P120,000 for illegal possession of firearms & ammunition.

Pinayagan ng korte na makabiyahe sa abroad si Lim, mula sa Mayo 18 hanggang Hunyo 8, 2017 at ang dahilan: “The crime charged against herein... accused is not among those that affects the interest of the national security, or public health, wherein the right to travel could be impaired as provided under section 6, article 2 of the 1987 Constitution of the Philippines.”

Ngunit bago makaalis sa bansa para magpasarap sa dalawang linggong Caribbean Cruise, inatasan si Lim na mag-post ng cash bond na P300,000 at magsumite ng “certified true copy” ng kanyang “valid passport”. Makaraan ang tatlong araw sa kanyang pagbabalik sa bansa, kinakailangang personal siyang magpakita sa korte na nagtakda ng kanyang arraignment sa Hunyo 16, 2017.

Natigil lang ang komentaryo ng mga kargador nang pumaswit na ang driver ng delivery truck bilang hudyat na tapos na ang pagdidiskarga ng mga paninda kaya balik trabaho na sila.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)