Sinabi kahapon ni Pangulong Duterte na hindi na niya ipipilit ang pagkakaroon ng emergency powers upang mapabilis ang mga proyektong pang-imprastruktura na reresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ito ay makaraang tanungin si Duterte, pagdating niya kahapon sa Davao City mula sa Beijing, China, kung isinusulong pa rin ng gobyerno ang pagkakaloob ng Kongreso ng emergency powers sa kanya matapos mangako ang China na popondohan ang mga proyektong imprastruktura sa bansa.

Apat na kasunduan ang naisara sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagbisita ni Duterte sa Beijing kamakailan, kabilang ang pagkakaloob ng 500 billion Chinese yuan (P3.6 bilyon) para sa pagpapagawa ng mga tulay sa ibabaw ng Pasig River, at mga drug rehabilitation facility.

Sinabi ng Pangulo na makatutulong kung pagkakalooban siya ng Kongreso ng emergency powers dahil mapapabilis nito ang pagresolba sa problema sa trapiko.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“No. If the Congress would want to give it to me, fine. It would expedite things. But if they are fearful of corruption there because walang bidding-bidding ‘yan, eh, emergency powers, then they have every right to doubt,” anang Presidente.

“But I said I would not insist on it. If they do not feel safe or comfortable with my Cabinet, fine. But I told them that corruption has no place in my government,” dagdag niya.

Kasabay nito, pinuna ni Duterte ang Korte Suprema sa madalas na paglalabas ng temporary restraining order (TRO) sa mga proyektong imprastruktura ng gobyerno.

“I am now addressing myself to the judiciary. Do not, for Christ’s sake, play with TROs kasi ‘pag TRO ka nang TRO tapos nagde-delay (ang mga proyekto),” aniya. “I’ve been telling you: Do not force me to disobey you.”

Inakusahan din niya ang ilang hukom sa Court of Appeals (CA) ng umano’y pagtanggap ng pera para sa “business” ng mga ito. (Argyll Cyrus B. Geducos)