SUMANDAL ang Colegio de San Lorenzo-V Hotel sa gilas ni Argie Baldevia upang biguin ang Wang’s Ballclub-Asia Tech, 74-69, para sa ikatlong dikit na panalo sa 2017 MBL Open basketball tournament sa PNP Sports Center sa Camp Crame.

Itinarak ni Baldevia ang dalawang makapigil-hiningang three-point shots sa huling dalawang minuto ng sagupaan at tumapos na may 23 puntos para sa panalo ng Blue Griffins nina sports patron Jimi Lim at coach Boni Garcia laban sa Couriers.

Ang Nigerian import na si Chabi Soulmane ay nag-ambag naman ng 14 puntos, kabilang ang breakaway reverse dunk matapos ang turnover ng Wang’s habang paubos ang oras.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang 6-6 na si Soulmane ay namayani din sa depensa laban sa mas pinalakas Wang’s line-up na tinatampukan ng mga Fil-Am players na umaasang mapipili sa darating na PBA draft.

Nakatuwang nila si Charles Callano, na may 10 puntos sa eight-team tournament na itinataguyod ng Smart Sports, Star Bread, Dickies Underwear, Ironcon Builders at Gerry’s Grill.

Ang panalo ay magandang follow-up para sa naunang tagumpay ng CdSL-V Hotel laban sa Emilio Aguinaldo College (72-69) at MLQU-Victoria Sports (89-79).

“Ngayon ay 3-0 na kami, pero madami pang dapat gawin,” pahayag ni Garcia, na dinala ang Griffins sa apat na UCSAA titles at sa unang NCRUCLAA crown laban sa De Ocampo nung Marso.

Ang dating Ateneo de Manila mainstay na si Chris de Chavez ang nagdala ng laban sa Wang’s sa kanyang 17 puntos, kabilang ang apat na triples.

Si ex-San Beda College star Michole Sorela ay may 15 puntos, si Globalport Batang Pier draft pick Ryan Arambulo ay may 12 at si AMA University star Jason Riley ay may 10 para sa Mandaluyong-based team nina MBL chairman Alex Wang atcoach Pablo Lucas.

Si Robbie Herndon, ang dating 6-3 San Francisco State standout, ay nalimitahan sa pitong puntos nina Soulmane at CdSL’s 6-6 workhorse, Jun Gabriel.

Sa iba pang laro, winalis ng MLQU-Victoria ang Philippine National Police, 75-58.

Iskor:

CdSL-V Hotel (74) -- Baldevia 23, Soulmane 14, Callano 10, Alvarado 6, Formento 6, Rosas 6, Gabriel 3, Castanares 3, Laman 2, Vargas 1, Nuyda 0, De la Cruz 0, Paclarin 0.

Wang’s-AsiaTech (69) -- De Chavez 17, Sorela 15, Arambulo 12, Riley 10, Herndon 7, Asuncion 4, Importante 2, Zabalza 2, King 0, Montemayor 0, J. Lucas 0, L. Lucas 0.

Quarterscores: 24-23, 37-41, 56-56, 74-69.