Dalawang baril na itinago sa loob ng water heater na naiulat na ibibiyahe patungong Hong Kong at Vietnam ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Enforcement Group Deputy Commissioner Ariel Nepomuceno, nadiskubre nila ang mga nakatagong baril nang magtanong ang suspek na si Alfonso Martin Sanchez, 21, tungkol sa status ng dalawang package na nasa Pasay warehouse noong Mayo 10.

Nang mag-inspeksiyon sa Thomas Nationwide Transportation Warehouse sa Pasay City, dalawang baril, isang 9mm pistol at isang .45 pistol na may magazine, ang natagpuang nakapaloob sa mga package.

Nakatakdang ipadala ang package, ayon kay Nepomuceno, kay Christopher Yeung ng Hong Kong, China at kay Lau of Ho Chi Minh, ng Vietnam.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Magkatuwang na inaresto ng Customs– Enforcement Group at ng Office of the BOC District Collector sa NAIA si Sanchez sa pagkabigong maipakita ang mga kinakailangang dokumento mula sa Philippine National Police.

Napag-alaman na sinampahan na ng kaso si Sanchez sa Pasay City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act of 2016, at RA 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Gayunman, nagawang makapagpiyansa ni Sanchez. Ang unang hearing ay itinakda sa Mayo 22 sa Pasay RTC.

Samantala, ang mga nakuhang baril ay nasa kustodiya na ng BoC– NAIA. (Betheena Kae Unite)