TARLAC CITY - Naging madugo ang paglaban sa mga pulis ng isang hinihinalang drug pusher sa pagnanais na makaiwas sa pag-aresto hanggang sa mapatay siya sa pakikipagbakbakan sa Sitio Paulo Segundo sa Barangay Matatalaib, Tarlac City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni PO3 Julius Apolonio kay Tarlac City Police chief Supt. Bayani Razalan, napatay si Cesar Manalo, nasa hustong gulang, ng Bgy. Aguso, Tarlac City, makaraang magtamo ng multiple gunshot wounds sa iba't ibang parte ng katawan.
Nauna rito, nagbenta umano ng droga si Manalo sa buy-bust ng mga awtoridad hanggang makatunog sa operasyon at makipagbarilan sa mga pulis.
Narekober umano sa kaliwang bulsa ng pantalon ni Manalo ang isa pang plastic sachet na may hindi pa matiyak na gramo ng shabu, may P1,200 sa kanang bulsa, bukod pa sa isang .45 caliber pistol na may limang bala, isang basyo at dalawa pang basyo ng .9mm caliber. (Leandro Alborote)