PUNTIRYA ng defending champion Pocari Sweat na matuhog ang ikalimang sunod na panalo sa pagsagupa sa Perlas, habang magtutuos ang Creamline at BaliPure sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ngayong hapon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nagtala ng apat na sunod na panalo pagkaraang matalo sa unang dalawang laro, ang Lady Warriors ay umaasang mahahatak pa ang winning streak sa pagtatapat nila ng Perlas Lady Spikers ngayong 6:00 ng gabi.

Tiyak namang hindi basta na lamang susuko ang Perlas na tinalo ang dating walang talong Balipure sa nakaraan nilang laban na nag -angat sa kanila sa markang 3-2.

Galing sa kabiguan sa kamay ng Lady Warriors, magsisikap namang bumangon ng Power Smashers sa pagsabak kontra Creamline na hangad namang sundan ang naitalang panalo kontra Air Force sa pagtatapat nila ganap na 4:00 ng hapon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Samantala, nagpahayag ang organizer ng torneo na Sports Vision na gagawin na lamang All-Filipino ang kasalukuyang conference kung hindi pa rin makukuha ang International Transfer Certificates (ITC) ang mga kinuhang league imports sa FIVB.

“If the ITCs will not be given today, we have no choice but to go all-Filipino the rest of the way,” pahayag ni Sports Vision president Ricky Palou. (Marivic Awitan)