Arestado sa pagpapatuloy ng anti-crime operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang siyam na drug suspect at apat na sangkot umano sa ilegal na sugal sa magkahiwalay na barangay sa lungsod, iniulat kahapon.
Base sa report ni QCPD director Chief Supt. Guillermo T. Eleazar, inaresto sa Barangay Sauyo, Novaliches ganap na 2:30 ng umaga kahapon sina Nestor Cingco, 42; Jimson Garcia, 31; Rolando Borlaz, 47; Oswaldo Gapayaw, 58; Ernesto Abuda, 60; Plecenta Abilan, 56, at isang menor de edad.
Nakumpiska umano sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Sa Barangay Botocan, dinala ng mga tanod sa tanggapan ng hepe ng QCPD-Station 9 (Anonas) na si Supt. Robert Sales si Adrian Bravante, 27, ng Area 6, Bgy. Botocan, matapos magwala at makumpiskahan umano ng patalim at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Nasamsaman ng shabu at dinakip din ng mga tauhan ng QCPD-Station 10 (Kamuning) si Jonathan Cayabyab, 25, barker, ng Bgy. Pasong Tamo, bandang 2:15 ng umaga sa panulukan ng Roces Avenue at Tomas Morato sa Bgy. Laging Handa.
Dakong 10: 00 ng umaga naman nitong Linggo nang pinagdadampot ng mga pulis ng QCPD-Station 3 (Talipapa) ang naaktuhang nagka-cara y cruz sa Mc Arthur Street, Bgy. Pasong Tamo, na sina Resty Respal, 40; Ivan Ritch Maramag, 18; Warlito Baba, 28; at isang menor de edad. (Jun Fabon)