SURIGAO CITY – Lalanguyin ng endurance swimmer at environmental lawyer na si Ingemar “Pinoy Aquaman” Macarine ang sampung kilometro ng nagyeyelong tubig ng Hudson River sa New York, USA, sa Linggo, 8:00 ng gabi (Philippine time).
Ang Charity Swim ay magsisimula sa New Beacon Bridge paayon sa agos ng ilog.
“This is a wetsuit assisted swim because the water temperature is around 12C,” sinabi niya sa may akda nitong Linggo ng gabi sa pamamagitan ng mensahe sa Facebook.
Hindi baguhan si Macarine sa malamig na tubig dahil nilangoy na niya ang nagyeyelong tubig simula sa Alcatraz Island Penitentiary hanggang sa mainland ng San Francisco noong 2014, ang tanging Pilipino na gumawa nito.
Noong nakaraang taon, nagsanay ang Pinoy Aquaman sa loob ng dalawang buwan para maiakma ang kanyang katawan sa lamig sa kanyang pagtatangka sa English Channel. Hindi natuloy ang paglangoy sa 33-kilometro, mula sa United Kingdom hanggang sa France, ng endurance swimmer na tubong Placer, Surigao del Norte, dahil sa masamang panahon.
Lumangoy si Macarine ng 24.6 kilometro nitong Abril 20 mula sa Dumaguete City hanggang Siquijor Island, ang longest personal record sa kanyang open-water swimming career.
Ang lahat ng ito ay paghahanda para sa kanyang pinakamalaking mithiin ngayong taon — upang tawirin ang English Channel sa kalahatian ng Agosto.
Tulad ng kanyang mga nakaraang open water marathons, sinusunod ni Macarine ang Marathon Swimming Federation Rules at mag-isang lumalangoy na walang floating aid o tulong mula sa tao o sasakyang pangtubig.
Si Macarine, 40, na marine conservation advocate, ay lumalangoy upang maitaas ang kamalayan ng publiko sa marine environment, climate change at turismo. (Roel N. Catoto)