BEIJING — Walang hininging kondisyon ang Pilipinas bago ang unang bilateral dialogue sa China kaugnay sa iringan sa teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea), ayon kay Senator Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Cayetano, bagong talagang kalihim ng Department of Foreign Affairs, na magiging magandang simula ang bilateral consultation mechanism (BCM) para mabuo ang kumpiyansa at makatutulong upang magiba ang mga pader sa pagitan ng dalawang bansang nag-aagawan sa teritoryo.
“Both sides agreed to stop talking without conditions,” aniya sa press conference sa Grand Hyatt Hotel dito Linggo ng gabi. “It’s inaugural so it’s very short. It’s really confidence-building, building of mutual trust, showing each other that we can start to talk.”
Nauna rito, nagkasundo ang Pilipinas at China na bumuo ng bilateral consultation mechanism sa pagreresolba sa mga iringan sa karagatan at maisulong ang maritime cooperation at security. Gaganapin ang unang pagpupulong ng BCM ngayong linggo sa sidelines ng ASEAN-China ministerial summit sa timog kanluran ng China.
“It will be a good start but we’re, you know, you don’t expect to move mountains in the first meeting. But let me just say it will remove walls,” sabi ni Cayetano.
Tiniyak ni Cayetano na patuloy na igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa mga inaangking teritoryo sa bilateral dialogue.
“The President is not only sincere. He is steadfast in protecting Philippine territory. We’ll not give an inch in our claims, territorial and sovereignty rights, our economic entitlements,” aniya.
Gayunman, tumanggi si Cayetano na sabihin kung kailan babanggitin ng Pilipinas ang arbitral ruling, na nagpapawalang-saysay sa pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea, sa panahon ng diyalogo.
“As to when and what we will take up, may I apologize to you sincerely, that’s a matter of strategy and tactics. And you do not announce your strategy o tactics to the world and to the opposite side,” aniya. (GENALYN D. KABILING)