NASAAN at ano na ngayon ang kabataan nina Jose Rizal (Pag-asa Ng Bayan) at President Rodrigo Roa Duterte? Tinanong ko ang isang kaibigan tungkol dito at sinabi niya ang ganito: “Ang kabataan ni Rizal na pag-asa raw ng bayan at minamahal naman ngayon ni Duterte kaya pinapatay niya ang mga drug pusher at user, ay hayun sa iba’t ibang lugar, nakapusod ang buhok na parang babae, maraming tattoo sa katawan at may mga hikaw sa tenga, labi at kung minsan ay mismong sa dila. Bumabanat din sila ng bawal na gamot.”

Napapansin ko nga na maraming kabataang lalaki ngayon na ang hairdo o ayos ng buhok ay may pusod sa likod, maraming tattoo sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at may mga hikaw o pakaw sa tenga, labi at dila. Naitatanong ko tuloy kung ano ang napapala nila sa ganitong kaayusan ng gupit, tattoo at paghihikaw? Ang mga babae naman ay nakasuot ng short-shorts na maong na nakabakat na ang “magkabilang pisngi” ng langit. Masisisi mo ba ang anak ni Adan (lalaki) kung dumumi ang isip at magnasa kahit sa guni-guni.

Suriin natin: Kay raming lalaking Pinoy na nasa ayos ang gupit, walang pusod na parang babae (ala-tomahawk), at disenteng tingnan. Bakit ang ginagaya ng kabataang lalaki ay iyong gupit-pusod ng mga dayuhan, tulad ng Kano, gayong hindi naman bagay sa kanila at nagmumukha lang mga gunggong at marumi? Anyway, may kalayaan ang lahat, at may laya silang manggaya at magmukhang gago.

Matindi at maliwanag ang pahayag ng mga kasaping-bansa ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nagtipon sa Geneva, Switzerland upang gumawa ng review o pagsusuri sa umano’y human rights violations (HRVs) ng Pilipinas. Sa 47 bansa na dumalo sa pagtitipon, ang 45 bansa ay hindi nakumbinsi sa presentasyon ng PH delegation, sa pamumuno ni Sen. Alan Peter Cayetano, na hindi lumabag ang Pilipinas sa mga karapatang pantao ng mamamayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nanawagan ang mga ito sa gobyerno ng ‘Pinas na tigilan at wakasan ang extrajudicial killings (EJKs) at bawiin ang planong ibalik ang parusang kamatayan (death penalty). Sa 47 bansa, tanging ang China na kinakaibigan ni Mano Digong ang sumusuporta sa inilulunsad niyang giyera laban sa ilegal na droga. Ang Saudi Arabia, na chairman ng Council, ay nag-abstain.

Ang mga bansa na nagpahayag ng pagkabahala sa human rights situation sa ‘Pinas ay ang Australia, Austria, Belgium, Botswana, Brazil, Bulgaria, Canada, Chile, Costa Rica, Crotia, Czech Republic, Denmark, Estonia, France, Georgia, Germany, Ghana, Guatemala, Haiti, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Montenegro, Mozambique, The Natherlands, Norway, Peru, Poland, Portugal, Moldova, Romania, Slovokia, Slovenia, Sweden, Switzerland, the United Kingdom, United States, Uruguay, Vatican, at Zambia.

Gayunman, tanging China ang pumuri sa PH government sa “remarkable achievements in protecting human rights.”

Noong Huwebes, inihayag ng UN... Office of the High Commissioner on Human Rights Council (OHCHR) ang adoption ng report tungkol sa Pilipinas. Tumanggap ang ‘Pinas ng 257 rekomendasyon mula sa nasabing mga bansa, na ang core issues na EJKs, death penalty at human trafficking, ang pinagbatayan ng rekomendasyon.

Samantala, iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano, bagong hirang na DFA Secretary, na tagumpay ang depensa niya sa anti-drug war ng Duterte administration sa UNHRC. Itinanggi niyang ang kanyang presentasyon ay bagsak o bigo. “I’m willing to resign, to be jailed, to be exiled if my presentation was wrong or if I intentionally misled. Everything I presented was based on facts, on actual numbers.”

Maniwala kaya ang mga Pinoy at mamamayan sa mundo kay Cayetano o sa pahayag-paniniwala ng 47 UNCHR members, na dapat nang tigilan ng PH government ang EJKs, HRVs, at human trafficking? (Bert de Guzman)