Isa sa dalawang natitirang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na tinutugis sa Bohol ang napatay sa pakikipagbakbakan sa mga pulis at sundalo sa bayan ng Panggangan, bandang hapon kahapon.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-7 director Chief Supt. Noli Taliño na dahil sa pagkamatay ng isa sa mga bandido ay isang Abu Sayyaf member na lang ang tinutugis ng mga awtoridad sa Bohol.

“Tuluy-tuloy ang pagtugis natin sa nag-iisang natira na ASG,” ani Taliño.

Ayon sa opisyal, sumiklab ang bakbakan bandang 12:30 ng tanghali matapos na mamataan ang dalawang bandido sa Barangay Cahayag.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang ang dalawa sa isang maliit na grupo ng ASG na sumalakay sa Bohol noong nakaraang buwan upang magsagawa ng mga pagdukot sa lalawigan.

Walo sa nasabing grupo, kabilang ang pinuno nito, ay napatay ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na sagupaan sa mga bayan ng Inabanga at Clarin.

“Noong una ay nang-hostage pa sila, isang residente sa barangay. Pero pinakawalan din ang bihag at sumakay sila sa motorsiklo para tumakas,” sabi ni Taliño.

Ngunit nang matanaw ang checkpoint, naghiwalay ang dalawang bandido ngunit natunton ang pagtakas ng dalawa, sa tulong na rin ng mga residente.

“Nauwi sa bakbakan at namatay nga ‘yung isa sa ASG,” pagkukumpirma ni Taliño. (Aaron Recuenco)