BUMIDA si Mclaude Guadaña sa naiskor na triple-double para giyahan ang Batang Gilas Pilipinas sa 96-73 dominasyon sa Indonesia kahapon sa 2017 SEABA Under-16 Championship sa Araneta Coliseum.
Nagtala ang manlalaro ng Lyceum-Cavite ng 19 puntos, 11 assist, at 10 rebound bukod pa sa apat na steal upang pamunuan ang Philippine youth team sa ikalawang sunod na panalo.
Sinimulan ni RC Calimag ang pananalasa ng Batang Gilas matapos isalansan ang siyam sa kanyang kabuuang 17 puntos sa first period na inumpisahan nila sa pamamagitan ng 15-2 blast.
Nag -ambag naman ang 6-foot-11 na si Kai Sotto ng 12 puntos at pitong rebound, kasunod si Raven Cortez na may 10 puntos at dalawang rebound.
Sa kabila ng panalo hindi naikaila ni coach Mike Oliver ang pagkadismaya sa ipinakitang complacency ng kanyang koponan matapos matapyas ang kanilang 36-puntos na kalamangan (71-35) sa third quarter hanggang 20 puntos, 77-57, may 9:21 ang natitira sa laro.
“Sobrang relax kami. Kasi mas maliliit sila samin. Parang nawala yung intensity at yung aggressiveness, “ sambit ni Oliver.
Nanguna para sa Indonesia si Felix Alexander sa itinala nitong 18 puntos at tatlong assist.
Sa unang Laban, nagwagi ang Malaysia kontra Thailand, 74-62.
Nagsalansan si Wong Thiam Mun ng 24 puntos, pitong rebound, anim na assist at anim na steal upang pamunuan ang Malaysians. (Marivic Awitan)