USAP-USAPAN ngayon ang kahandaan umanong magsiwalat ng lahat ng negosyanteng si Janet Lim Napoles, posibleng bilang state witness, tungkol sa “pork barrel” funds na nailabas noong nakalipas na administrasyon sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng Kongreso at ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Malacañang.
May mga usaping legal na paggamit kay Napoles bilang state witness gayung siya ang itinuturong “utak” sa scheme na sumaid sa bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng pamahalaan sa loob ng maraming taon, sa ilalim ng PDAF at DAP na kalaunan ay idineklara ng Korte Suprema na labag sa batas.
Nakipagpulong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa abogado ni Napoles tungkol dito noong Huwebes, at iginiit ng huli na dahil sa ang kasong pandarambong ay opisyal ng gobyerno ang pangunahing akusado, malinaw na nakasabwat lamang si Napoles sa plunder. Dahil dito, maaari siyang ituring na kabilang sa pinakamaliit ang pagkakasala sa mga kaso at maaaring maging kuwalipikado bilang state witness, ayon sa kanyang abogado.
Para kay Senator Chiz Escudero, ang pinakamahalaga ay hindi maging “selective” ang panibagong imbestigasyong gagawin — na pangunahing puna sa mga kasong inihain sa panahon ng nakalipas na administrasyon. Lumutang na akusasyon noon na maraming kaalyado ng administrasyong Aquino ang naligtas sa imbestigasyon at pag-uusig, kaya naman tatlong senador lamang mula sa oposisyon ang nakasuhan sa korte at napiit. Gayung napakaraming mambabatas umano ang sangkot sa usapin.
Binigyang-diin din ni Escudero na nadiskubre ng Commission on Audit ang mga iregularidad sa paggamit ng PDAF sa halagang P14 bilyon. Ang mga kasong iniuugnay kay Napoles ay umaabot lang sa P6 bilyon. Marami umanong iba pang operasyon na kinasangkutan ng iba pang mga grupo na nananatiling hindi natutukoy at hindi pa napapanagot hanggang ngayon. Sinabi ni Escudero na umaasa siyang sa pamamagitan ng bagong imbestigasyon ay mabibigyang linaw ang iba pang mga operasyong ito.
Sa dalawang konsiderasyon pa lamang na ito — ang pangangailangan ng imbestigasyong walang kinikilingan hindi tulad ng nauna at ang pangangailangang ilantad ang iba pang mga kaso na kinasasangkutan ng hanggang P8 bilyon—ay may sapat nang dahilan upang muling buksan ang pagsisiyasat sa usapin ng PDAF at DAP.