Ni Marivic Awitan

Alyssa Valdez (MB photos | Rio Leonelle Deluvio)
Alyssa Valdez (MB photos | Rio Leonelle Deluvio)
Simula pa noong high school siya sa University of Santo Tomas, buong pusong naglalaro si Alyssa Valdez para sa national team sa iba’t ibang international competitions kung kinakailangan.

Ngunit dahil sa mga huling pangyayari, may ilang taong kumukuwestiyon sa kanyang pagiging committed sa Philippine Team.

Hindi pinahintulutan si Valdez ng pamunuan ng kanyang koponang Creamline na lumahok sa fund-raising event para sa national team na Clash of Heroes dahil sa on-going na PVL Reinforce Conference.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ngunit ayon kay Valdez, gusto pa rin niyang maglaro para sa national team, ngunit sa ngayon ay wala siyang magagawa kundi ang irespeto at sumunod sa desisyon ng kanyang team.

Nagpahayag naman ng kanyang pagkadismaya si Philippine Team head coach Francis Vicente na nagsabing posibleng hindi niya isama sa line up ng National Team ang dating 3-time UAAP Most Valuable Player kapag hindi pa rin ito nagpakita sa National Team events.

“It’s a decision of the club din,” pahayag ni Valdez.“They’re trying to protect all the players under them which is super nice. It’s a really tight schedule from the beginning din naman.”

“Supposedly, mas maaga ‘yung sched ng game. Medyo na-adjust siya ngayon and meron din tayong commitments na iba tulad ng Creamline. If given a chance naman, you’re gonna give your best if makakapag-try ka for the National Team,” dagdag pa ni Valdez.

Sinabi din ni Valdez na kung suporta din lamang sa national team, suportado ng Creamline at Rebisco, na iisa lamang ang may-ari, ang national team. Patunay aniya rito ang pagiging name sponsor ng Rebisco sa PSL All-Star team na lalahok sa AVC Club meet sa Kazakhstan.

“I mean, Creamline and Rebisco really try to help the National Team. Siyempre, sa kanila nagsisimula na sa sponsorship pa lang. Hindi naman nila mamasamain kung kailangan maglaro ng players nila. But I think iniisip nila ‘yung kapakanan ng players nila,” dagdag ni Valdez.

At para sa bumabatikos sa kanya sa kanyang desisyon na sumunod sa pamunuan ng Creamline, sinabi ni Valdez na hindi maiiwasan na may mag-isip ng hindi maganda at hindi niya saklaw ang opinyon ng mga ito.

Kaugnay nito, hindi na rin pinahintulutan ng pamunuan ng Balipure ang kanilang leading scorer at top hitter na si Gretchel Soltones na lumaro sa Clash of Heroes.

Ang kawalan ng pormal na pasabi mula sa mga nag-organisa ng event ang naging dahilan ng Balipure upang hindi payagan ang dating NCAA 3-time MVP, ayon kay team manager Paolo Turno.