Isang batang manlalaro ng lawn tennis ang nagbigay ng karangalan sa bansa nang magwagi ito sa katatapos na China Junior Tennis Championships noong Sabado.

Nagwagi sa boys doubles finals si John Bryan Decasa Otico at ang kanyang katuwang na isang Hapon na si Seita Watanabe.

Tinalo ng second-seeded pair nina Otico at Watanabe ang Chinese Taipei pair nina Chang-Lin Tsai at Ming-yuan Yang, 6-4, 6-2, para maangkin ang titulo sa larong idinaos sa Potter’s Wheel International Tennis Center sa Beijing.

Bigo naman si Arthur Craig Pantino, isa ring Pinoy, sa main draw ng Group 3 event na sanctioned ng International Tennis Federation, nang matalo sila ng ka-tandem na Indian na si Karan Srivastava, sa first round nina Ki Lung Ng ng Hongkong at Yu-Hsiang Su ng Taiwan, 7-5, 4-6, [8-10].

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa singles, hindi naman umusad ang fourth-seed na si Otico nang mabigo ito sa kanyang semifinal match kay No. 2 seed Taisei Ichikawa ng Japan, 2-6, 2-6.

Ang Beijing competition ang pang-apat na ni Otico ngayong taon. Nauna na siyang umabot sa doubles quarterfinals ng Sarawak Chief Minister’s Cup sa Malaysia at PTT-ITF Juniors noong Marso at nagkampeon naman sa singles ng EFG-ITF Juniors sa Hong Kong noong Enero. - PNA