BUTUAN CITY – Tinutugis ng 4th Infantry Division at Police Regional Office (PRO)-13 ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na dumukot umano sa isang negosyante sa Agusan del Sur nitong Sabado ng umaga.
Inatasan nina PRO-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix at 4th ID chief Maj. Gen. Benjamin R. Madrigal, Jr., ang kani-kanilang field unit commander sa Agusan del Sur na magsagawa ng search at rescue operation sa dinukot na si Carzon Ceasar C. Lademora, negosyanteng taga- San Francisco, Agusan del Sur.
Ipinababawi rin nina Col. Cristobal N. Zaragoza, commanding officer ng 401st Infantry Brigade, at Agusan del Sur Police Provincial Office director Senior Supt. Joseph D. Plaza, ang dinukot na negosyante at pinaiimbestigahan ang motibo sa pagdukot.
Ayon kay Capt. Jasper T. Gacayan, ng 401st Brigade Civil Military Operations (CMO), tinangay ng mga rebelde si Lademora matapos na maghalughog ang mga ito sa mining tunnel ng negosyante sa Sitio Anoling, Barangay Bayugan3 sa Rosario, nitong Sabado ng umaga.
Sinabi ni Gacayan na dinukot si Lademora ng mga miyembro ng guerilla-Front Committee 14 ng CPP-NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, na pinangunahan ng isang”Monic”.
Batay pa sa mga report sa 401st Brigade, humihingi ang NPA ng ransom money mula sa pamilya ng negosyante kapalit ng pagpapalaya rito, lalo na at may alta-presyon ang biktima. (Mike U. Crismundo)