HINIRANG ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Sen. Alan Peter Cayetano bilang bagong Kalihim ng Dept. of Foreign Affairs (DFA). Inihayag din ni Mano Digong bago siya lumipad sa Cambodia noong isang linggo, na hihirangin niya si AFP chief of staff Gen. Eduardo Año bilang kalihim ng Dept. of Interior and Local Gov’t (DILG), kapalit ng sinibak niyang ex-DILG Sec. Ismael “Mike” Sueno. Si Año ay sa Oktubre pa magreretiro.

Kung natatandaan ninyo, si Gen. Año ay isa sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinagbibintangang nasa likod ng misteryosong pagkawala ng anak ni journalist Jose Burgos, si Jonas Burgos. Hanggang ngayon ay hinahanap pa siya ng kanyang ina, si Editha Tronqued-Burgos, na umaasa pang siya ay buhay.

Nag-isyu ng travel advisory ang United States at Great Britain sa kanilang mamamayan na umiwas sa pagpunta sa Palawan bunsod ng banta na mangingidnap ng dayuhang mga turista ang tulisang Abu Sayyaf Group (ASG) para ipatubos. Dahil dito, inatasan ni PRRD ang Philippine National Police at AFP na barilin agad o “Shoot on Sight” ang sino mang bandido na kanilang makikita. Hindi pa rin pala ligtas maglakad sa mga lugar sa ‘Pinas.

Nagtataka ang Dept. of Justice (DoJ) kung bakit dumiretso si Pork Barrel Scam Queen Janet Lim-Napoles (JLN) sa Malacañang nang siya’y lumutang kaugnay ng pagiging “utak” sa P10-billion pork barrel anomaly. Tinanggap siya ni ex-Pres. Noynoy Aquino. Sinamahan pa siya nina ex-PNoy at ex-DILG Sec. Mar Roxas sa Camp Crame upang doon pormal na sumuko.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II na nang tukuyin si JLN bilang utak (mastermind) ng P10-billion pork barrel scam, karay-karay niya sina Noynoy at Mar sa Camp Crame. Gayunman, kumambiyo si Sec. Aguirre at sinabing hindi niya sinasabing baka may kinalaman o may kasalanan din sina PNoy at Mar sa anomalya.

Sabi nga ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kapag si JLN ay naging state witness sa pork barrel scam, maraming mambabatas (senador at kongresista) at cabinet members ang posibleng masangkot dito at baka humantong sa bilangguan.

“Kapag siya’y nagturo (o kumanta), ang quorum sa Kongreso ay maililipat sa Camp Crame.” Nakita raw ni Lacson ang listahan ng mga tao na ginamit nang mali (misused) ang kanilang pork barrel. Bawat senador ay may tig-P200 milyon, habang ang kongresista ay may tig-P30 milyon. Si Lacson, kasama si yumaong ex-Sen. Joker Arroyo, ay hindi gumalaw o gumamit ng P200 milyon kada taon.

Samantala, sinabi ni Pres. Rody na duda siyang maging kuwalipikado si JLN na state witness. Bilang isang... abogado, batid ni PDu30 na ang isang suspect ay dapat maging “least guilty” sa krimen para maging testigo. Sa kaso ni Napoles, siya raw ang mastermind ng anomalya. Well, humanda ka sen. Leila de Lima kapag naging state witness si JLN. Tiyak na isasangkot ka nito na may kaugnayan sa P10-billion pork barrel scam. May hinala ang publiko na ikaw talaga ang target dito ng DoJ sapagkat may nagnananais na “mabulok” ka sa oblo.

May kasabihang “The end does not justify the means.” Kung ganoon, sabi ng kaibigan kong journalist, hindi tama ang maramihang pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users upang masugpo ang illegal drugs sa ‘Pinas. Hindi makatwirang itumba ng PNP ang mga tulak at adik dahil ang layunin ay mawala ang illegal na droga sa bansa at mailigtas ang kabataan sa salot na ito. Ang pamamaraang ginagamit ay pagpapatayin sila upang matamo ang layunin:

Masugpo ang illegal drugs! (Bert de Guzman)