SINABI ni Secretary Silvestre Bello III, ang chairman ng negotiating panel ng gobyerno ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA), na nakipagpulong siya sa isang hapunan sa pangunahing negosyador ng NDF na si Fred Agcaoili, at umapela siya sa kabilang panig na “lessen the violence”.

Nang simulan ng magkabilang panig ang negosasyon sa Oslo, Norway, noong Agosto 2016, nagdeklara sila ng kani-kaniyang tigil-putukan habang hindi pa napagkakasunduan ang pinag-isang tigil-putukan. Una na silang nagkasundo sa dalawang grupo ng mga pangunahing usapin — sa repormang pulitikal at konstitusyunal, at socio-economic reforms.

Ngunit hindi pa nila napagkakasunduan ang isang unified ceasefire agreement. Kalaunan, iginiit ng magkabilang panig na lumabag sa tigil-putukan ang bawat isa hanggang sa opisyal na kanselahin ang negosasyon noong Pebrero. Gayunman, nagpatuloy ang mga hindi pormal na pag-uusap at magpapatuloy pa ang mga panibagong pagsisikap sa muling paghaharap ng magkabilang panel sa Mayo 26, sa pagkakataong ito ay gagawin sa Noordwijk ann Zee, Netherlands.

Umaasam ng positibo sa panibagong negosasyon, sinabi ni Secretary Bello na hiniling niya kay Agcaoili na bawasan ng NPA ang mga pag-atake nito. “I told him the peace talks are not only about talks across the table. We have a bigger table and that is the people. If the people lose their confidence in our talks, we will lose their support. We would no longer have a mandate to negotiate with you.”

Ilang araw na ang nakalipas, sinabi ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines at nasa Utrecht, Netherlands, sa eksklusibong panayam ng mga editor ng Manila Bulletin sa pamamagitan ng Skype, na walang kontrol ang mga negosyador sa Netherlands sa mga puwersa ng mandirigma ng NPA sa Pilipinas. Ang mga pinuno ng NDP-CPP-NPA ang nagbibigay ng utos sa mga negosyador, paliwanag niya.

Ang apela ng gobyerno ng Pilipinas para sa “less violence” upang magkaroon ng mas maaliwalas na usapang pangkapayapaan ay dapat na direktang ipanawagan sa NDF-CPP-NPA na nangangasiwa sa mga operasyon sa labanan.

Ang paglilinaw na ito sa saklaw ng awtoridad ay hindi dapat na makaapekto sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Napaulat na malaki na ang naisulong sa mahahalagang usapin sa repormang political-constitutional at socio-economic. Tunay ang pag-asang tuluyan nang magwawakas ang rebelyong Komunista, na 49 na taon nang nangyayari, dahil na rin sa inisyatibo ni Pangulong Duterte.

Makatutulong nang malaki kung magpapatupad ang magkabilang panig ng espesyal na pagpupursige upang maiwasan ang mga labanan, pag-atake at iba pang karahasan. Kung hindi pa ubrang magkasundo sila sa iisang tigil-putukan, maaari ring magdeklara ng sabayang unilateral ceasefire at gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang panindigan ito sa harap ng mga paghamon.