ni Dennis Principe
Kahit pa masasabing mababa kumpara sa kanilang level ang kompetisyon na nilaruan nila ngayon, kailangang ipakita pa rin ng Gilas Pilipinas ang tunay nilang laro at huwag nilang pigilin o ibagay sa kakayahan ng kanilang mga katunggali ang ipinapakita nila sa laban.
Ito ang sinabi ng orihinal na “energy guy” ng Gilas na si Jean Marc Pingris matapos manood ng ikalawang laro ng National kontra Singapore noong nakaraang Sabado sa ginaganap na SEABA Men’s Championship sa Araneta Coliseum.
Tinalo ng Gilas ang Singapore para sa ikalawa nilang sunod na panalo sa iskor na 113-66.
Bagamat nagwagi na may 47-puntos na lamang, para sa beteranong forward ng Star ay hindi ibinigay ng Gilas ang tinatawag na “best shot” sa nasabing laban.
“Alam ko naman hindi 100 percent ‘yung binibigay ng mga players natin,” ani Pingris.”Ngayon pa lang, ibigay na nila yung best nila para ma-achieve nila kung ano ‘yung gusto nilang makuha.”
“Ngayon parang nilalaro-laro lang nila dahil kayang-kaya nila,” dagdag nito.”Attitude din kasi ng isang player ‘yun, e. ‘Pag nakita mong medyo mahina ‘yung kalaban mo, hindi mo ibibigay ‘yung 100 percent mo.”
Umaasa si Pingris, na aminadong na-miss din niya ang maglaro para sa Gilas, na sa mga susunod pang laro ng koponan ay ipapakita na ng mga ito ang tunay nilang potensiyal.
“Ok naman ‘yung laro nila. Pero alam ko may ibubuga pa sila,” pagtatapos nito.
Ang nasabing obserbasyon ni Pingris ang siya ring naging paksa ng panayam kay Gilas Coach Chot Reyes na nagsabing nabigo ang kanyang koponan na pantayan ang intensity na ipinakita ng mga ito sa naunang laban nila sa Myanmar lalo na sa depensa.