Ni BETH CAMIA
Inatasan ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na palakasin ang cyber security measures ng bansa sa gitna ng ransomware attack sa mahigit 70 bansa sa nakalipas na mga araw.
“Let’s do what we can to monitor and step up our cyber security measures to prevent or at least minimize the adverse effects of the ‘ransomware’ attacks on our system,” bahagi ng pahayag ng kalihim kahapon.
Binigyan din ni Aguirre ng kaparehong direktiba ang Office of Cybercrime ng DoJ.
Una nang nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga Pilipino kaugnay ng ransomware attack, na gumagamit ng “WannaCry” at “WannaCrypt” malware.
Umatake nitong Biyernes ang ransomware at kabilang sa labis na naapektuhan ang health system ng Britain, social security system ng Brazil, interior ministry ng Russia, telecommunications giant na Telefonica ng Spain, at FedEx ng Amerika.
Ayon sa ilang security researcher ng Kaspersky Lab, nakapagtala sila ng mahigit 45,000 pag-atake sa 74 na bansa, kabilang ang United Kingdom, Ukraine, Amerika, India, China, Italy, Indonesia, at Egypt.
Kumalat pa nitong Sabado ang ransomware hanggang sa South Amerika, pero ang Europe at Russia pa rin ang pinakamatinding tinamaan, ayon naman sa security experts ng Malware Hunter Team.
Batay sa abiso ng DICT, ang ransomware ay “type of malware that locks the screens on your PCs or smartphones then charges your money to unlock them. Do not open attached files to spam mails, otherwise your devices may be infected with these viruses.”
Mabilis na kumalat ang ransomware dahil sa pagpapadala at pagbabahagi ng mga email at files, at kapag nakontrol na ng WannaCry ang files ng apektadong computer manghihingi ito ng mula $200 hanggang $600 upang mabawi ng user ang file.