Hindi lamang sa kababaihan mayroong problema sa hanay ng mga inaasahang maglalaro para sa fund raising event na Clash of Heroes matapos na pagbawalan ng Ateneo de Manila University at Cignal HD Spikers ang kanilang men’s players na maglaro sa event ngayong araw na ito na idaraos sa San Juan Arena.
Ang nauna nang napabalitang pagtatapaat nina UAAP reigning MVP Marck Jesus Espejo at ng NCAA MVP na si Johnvic de Guzman ay hindi na mangyayari matapos pagbawalan ang una, sampu ng setter na si Ish Povorosa, na maglaro sa event.
Maging ang Cignal players na sina Mark Alfafara, Peter Torres, Lorenzo Capate at Bonjomar Castel na kabilang sa 25-man pool ay hindi rin binigyan ng pahintulot ng management upang maglaro sa all-star event.
Hindi naman kasama sa orihinal na pool na pinangalnan ni national coach Sammy Acaylar sina Espejo at Polvorosa ngunit nauna nang sinabi na kasama sila sa mga lalaro.
Hindi umano pinayagan ng dalawa dahil kapwa sila naghahabol sa kanilang academics bukod sa walang pormal na imbitasyon na ibinigay sa dalawa upang makasama sa event.
Ang Clash of Heroes ay itinakda para makalikom ng kaukulang pondo para sa mga pagsasanay na gagawin ng national team sa ibang bansa.
Ngunit maliban dito, gagamitin din umano itong batayan para sa pagbuo ng final line-up na isasabak sa darating na SEA Games kapwa sa men’s at women’s team.
Nauna nang hindi pinahintulutang makalaro sa event ng kani-kanilang mother teams sina Alyssa Valdez, Gretchel Soltones, Myla Pablo at Elaine Kasilag.
Kaugnay nito, hiniling ng coaches na kahit hindi sila maglalaro ay magpakita man lamang sila sa laro bilang pagpapamalas ng kanilang interes sa national team.