KAPANALIG, ang Sustainable Goal 2 ay naglalayong mapawi ang gutom sa buong mundo. Ayon sa UNDP, ang extreme hunger at malnutrition ay nananatiling malalaking isyu sa buong mundo. Base sa datos, taong 2014, nasa 795 milyong katao sa buong mundo ang nagdudusa sa gutom.
Sa ating bansa, ang gutom ay isa pa rin sa malalaking isyu. Ayon sa mga pinakahuling survey, tila lumala ang gutom sa ating bayan. Base sa SWS survey noong Enero 2017, aabot sa 3.1 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom noong huling bahagi ng 2016. Mas mataas pa ito sa bilang noong ikatlong bahagi ng 2016, na naitalang 2.4 na milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger.
Ang mga opisyal na datos din ay nagsasabi na marami sa ating kababayan ang nakararanas ng gutom. Mahigit sa one-fourth ng mga Pinoy ay food insecure at two-thirds ng ating mga household ay hindi sapat ang kinakain upang makamit ang dietary energy needs, ayon sa National Nutrition Survey noong 2011. Ang Pilipinas din ang may pinakamataas na “prevalence of food inadequacy,” ayon sa national report ng bansa na kasama sa Global Study on Child Poverty and Disparities.
Ano ba ang karaniwang dahilan ng gutom sa ating bansa?
Unang-una, kapanalig, kahirapan. Kulang ang pera ng marami nating kababayan upang sapuhin ang lahat ng pangangailangan ng pamilya. Karaniwang unang binabawasan ng pamilyang Pilipino ang budget sa pagkain para lamang matugunan ang ibang pangangailangan ng pamilya. Kaya nga ang pagdildil ng asin, ang pag-ulam ng toyo, ay karaniwan nang bukambibig ng maralitang Pilipino? Anong nutritional value nito para sa karaniwang Pilipino?
Isa pang dahilan ay ang kakulangan ng nutrition programs lokal na pamahalaan. Marami tayong feeding program pero ang tuluyang nutrition program sa barangay, siyudad o munisipyo…wala. Ang feeding program ay karaniwang panandalian lamang.
Ang gutom ay isang pangangailangan na dapat tugunan. Hindi lamang nito pinapahina ang ating katawan, ninanakaw din nito ang ating dignidad. Wika nga ni Pope Leo XIII sa Rerum Novarum: Nais ng Simbahan, at pinagsusumikapan nito, na ang maralita ay makaalpas sa kahirapan at gutom.
Bilang Katoliko, dapat tayong kumilos upang may sapat na nutrisyon ang lahat. Ang pagkamit ng zero hunger ay nasa ating mga kamay. Isang malaking hamon ang ipinagkaloob ng Gaudium et Spes sa atin, at sana tayo ay maantig: “Bigyan niyo ng pagkain ang namamatay sa gutom. Kung hindi mo gagawin ito, ikaw mismo ang pumapatay sa kanila (Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them).” (Fr. Anton Pascual)