Tatlong hinihinalang drug suspect ang napatay sa buong magdamag sa Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.

Sa report ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dakong 12:00 ng hatinggabi, napatay ang umano’y tulak na si Gary Sampagan at kanyang hindi pa nakikilalang tauhan sa buy-bust operation sa Barangay Bagbag, Novaliches.

Base sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakatunog si Sampagan na parak ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot siya ng baril, ngunit siya’y inunahan ng mga back up na operatiba.

Nakuha mula sa hideout ng dalawa ang isang cal .36 baril, shotgun, mga drug paraphernalia, P10,000 cash, P1,000 buy-bust money, ilang pakete ng umano’y shabu at motorsiklo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Samantala, pagsapit ng 4:00 ng madaling araw, nasawi rin si Leonodez Gacutan, Jr., 44, tricycle driver, ng Diego Street, Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay SPO1 Alejandro Camacho, ng Tactical Operation Center (TOC) ng Batasan Police-Station 6, nasa loob ng kanyang tricycle si Gacutan, na dati umanong drug addict, nang lapitan ng dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng helmet at walang habas na binaril hanggang sa humandusay. (Jun Fabon)