SA pangunguna ni Pope Francis, dumagsa ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa Katolikong dambanang bayan sa Portugal upang bigyang-pugay ang dalawang mahirap at hindi nakapag-aral na batang pastol na ang aparisyon sa kanila ng Birheng Maria 100 taon na ang nakalipas ay naging isa sa pinakamahahalagang kaganapan sa Simbahang Katoliko sa ika-20 siglo nito.

Dumating ang Santo Papa nitong Biyernes sa Fatima sa Portugal upang ipagdiwang ang sentenaryo ng aparisyon at gawing santo ang dalawang bata. Umaasa siyang ang mensahe ng kapayapaan na inihatid ng mga bata 100 taon na ang nakalipas, sa panahong nililigalig ang Europa ng Unang Digmaang Pandaigdig, ay magsisilbing inspirasyon sa mga mananampalataya ng Simbahang Katoliko sa kasalukuyan.

Sa nakalipas na mga araw, kumapal nang kumapal ang mga grupong relihiyoso, pami-pamilya at mga indibiduwal na dumagsa sa Fatima, may 150 kilometro sa hilaga ng Lisbon, ang ilan ay nakaluhod sa taimtim na pananalangin. Bitbit ang mga kandila, rosaryo, at bulaklak, dumiretso sila sa rebultong alay sa Our Lady of Fatima o kaya naman ay naghahagis ng mga wax na bahagi ng katawan — tenga, puso, binti — sa isang malaking siga upang manalangin ng kagalingan sa karamdaman.

“For me it is the second time I am here with a pope, first with John Paul II and now with Papa Francisco,” sabi ng pilgrim na si Elisabete Fradique Conceicao habang umuulan sa lugar nitong Huwebes. “They are simple men and that simplicity makes sense when you think what happened here 100 years ago.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mayo 13, 1917, habang nagpapastol ng mga tupa ay nagpakita sa mga bata ang una sa anim na aparisyon ng Birheng Maria.

Ayon sa kanila, inilahad sa kanila ng Mahal na Ina ang tatlong “sekreto” — ang noon ay nalalapit na pagwawakas ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang tungkol sa impiyerno, ang pag-usbong at wakas ng komunismo, at ang pagkamatay ng isang Santo Papa — at hinikayat silang manalangin para sa pandaigdigang kapayapaan at umiwas sa pagkakasala.

Noong una ay pinagdudahan ng lokal na Simbahang Katoliko, at maging ng kani-kanilang magulang, unti-unting naniwala ang marami sa kuwento ng mga paslit at kalaunan ay kinilala ito ng Simbahan bilang tunay na aparisyon noong 1930. Ang mga batang gagawing santo, ang magkapatid na Francisco at Jacinta Marto, na edad siyam at pito noong panahon ng aparisyon, ay pumanaw sa influenza makalipas ang dalawang taon. Ang pinsan nilang si Lucia dos Santos, na sa edad na sampu ay tumatayong pinuno ng grupo at naging pangunahing tagapagsalaysay ng aparisyon, ay isasalang sa beatification, ang unang hakbang para sa pagiging santo. Hindi nasimulan ang proseso sa kanya kundi matapos niyang pumanaw noong 2005.

Sinabi ng diputado ni Pope Francis, si Cardial Pietro Parolin, na ang kahalagahan ng Fatima ay nakasandig sa katotohanang mahihirap at hindi nakapag-aral na mga bata — hindi ang mayayaman, marurunong o intelektuwal — ang naging tagapaghatid ng makapangyarihang mensahe ng pagmamahal at pagpapatawad sa panahon ng digmaan nang ang pinag-uusapan sa mundo ay “hatred, vendetta, hostilities”.

Sa video message sa bisperas ng kanyang biyahe patungong Portugal, hinimok ni Pope Francis ang lahat ng mananampalataya na makiisa sa kanya, pisikal man o ispirituwal, sa Fatima, para sa ika-100 anibersaryo ng aparisyon ng Mahal na Birheng Maria kahapon.

“With all of us forming one heart and soul, I will then entrust you to Our Lady, asking her to whisper to each one of you: ‘My Immaculate Heart will be your refuge and the path that leads you to God.’” (Associated Press)