ISANG natatanging araw ang ikalawang Linggo ng Mayo sa kalendaryo ng mga tradisyon at kaugaliang Pilipino sa iniibig nating Pilipinas, at maging sa ibang bansa, sapagkat pagdiriwang ito ng Mothers’ Day o Araw ng mga Ina.

Isang napakahalagang araw ng pagpaparangal, pagpupugay at pagkilala sa mapagpalang kamay na nag-uugoy ng duyan. Sa nagsilang at nag-alaga sa atin mula sa kamusmusan hanggang sa ating pagdadalaga at pagbibinata. At kung minsan, hanggang sa ating pag-aasawa.

Sakop lagi ng buwan ng Mayo ang pagdiriwang na iniaalay sa Birheng Maria—ang kinikilalang kabuuan ng ina, modelo ng lahat ng babae, Ina ng mga ina at pinakadakilang ina sa lahat. Ispirituwal na ina ng lahat ng tao.

Nanay, Inang, Inay, Mommy, Ina, at Ima. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga matamis na tawag sa isang dakilang nilalang na pinagkakautangan natin ng buhay. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng ina na nagsilbing ILAW at LIWANAG ng tahanan. At kung ilalarawan, ang ina ay isang mapagkalinga at mapagmahal na nilalang. Nagdala sa atin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at nag-alaga sa atin nang tayo ay isilang hanggang sa lumaki at magkaisip.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagturo sa atin kung ano ang buhay at ng mga moral values o mga wastong pag-uugali at asal. Ang ating ina ang masasabing pinaka-kaibig-ibig at mapagmahal sa daigdig. Ang pagkakaugnay natin sa kanya ang tunay at walang katapusang buklod magpakailanman. Mula sa pagkabata hanggang sa paglaki, laging nasa tabi natin ang ating ina. Nang tayo’y musmos pa, ang ating ina ang lahat sa atin at siya ang palagi nating tinatawag.

Mahalaga at makatotohanan lamang na pag-ukulan ng panahon ang mga nagawa ng isang ina. Sa kanyang mga kamay halos nakaatang ang mga tungkuling ginagampanan sa pang-araw-araw na buhay upang ang daigdig ng mga anak ay magpatuloy sa pag-inog.

Nagsimula ang pagdiriwang ng Mothers’ Day sa taunang kapistahan ng tagsibol na idinaos ng mga Griyego bilang parangal kay Rhea—ang ina ng mga Griyegong diyus-diyosan. Nabuo ang pagdiriwang ng Mothers’ Day sa America sa pagsisikap ni Anne Jarvis noong 1905 nang hilingin niya sa pamahalaan na magtakda ng isang araw upang parangalan ang lahat ng mga ina. Nagbunga ang pagsisikap ni Anne Jarvis sapagkat noong Mayo 8, 1914, nilagdaan ni Pangulong Woodrow Wilson ang isang Joint Resolution na nagtatakda na ang pangalawang Linggo ng Mayo bilang Mothers’ Day. Isang tradisyon na nakarating sa iba’t ibang bansa.

Sa iniibig nating Pilipinas, ang pagdiriwang ng Mothers’ Day ay ipinahayag ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1936 tuwing unang Lunes ng Disyembre. Ngunit nang maging presidente ng Pilipinas si Pangulong Cory C. Aquino noong 1986, sa bisa ng Proclamation No. 266, binago niya ang araw ng pagdiriwang. Inilipat sa ikalawang Linggo ng Mayo ang selebrasyon ng Mothers’ Day.

Sa mga nabubuhay pa ang ina, maituturing silang mapalad sapagkat mahahandugan nila ng alaala o regalo bilang pasasalamat at pagmamahal. Ngunit sa mga wala nang ina, isang pagbabalik-tanaw na lamang ang kanilang mga alaala. May hatid na kirot sa puso at damdamin. Isasama sa panalangin sa pagsisimba, at kung may panahon ay dadalawin ang kanilang puntod at aalayan ng mga sariwang bulaklak.

Ang Mothers’ Day ay pagpaparangal at pagpupugay sa mga ina at sa kanilang pagka-ina. Ang galak sa pagkakaroon ng ina ay walang katulad. At walang sino man sa daigdig na ito ang maaaring ihambing sa ating ina at pumalit sa kanya.

(Clemen Bautista)