Iginawad ng Federation Internationale De Volleyball (FIVB) sa Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang kanilang “provisional recognition” o pansamantalang pagkilala bilang governing body ng volleyball sa bansa.
Sa isang liham na nilagdaan ni FIVB General Director Fabio Azevedo na may petsang Mayo 11, 2017, ipinagkaloob ng FIVB sa LVPI ang karapatan upang mag-organisa ng mga international competition sa Pilipinas, gayundin ang karapatang magpadala ng national team na kakatawan sa bansa sa mga international contest.
Nilinaw din sa nabanggit na liham ang pagsuspinde ng FIVB sa Philippine Volleyball Federation na epektibo pa noong Mayo 5.
Mula pa taong 2015 ay pinag-aagawan na ng PVF at LVPI ang pamamahala sa volleyball hanggang sa kinilala ng Philippine Olympic Committee ang LVPI bilang opisyal na national sports association ng volleyball.