Nag-level-up sa kanilang laro ang National University upang maigupo ang Arellano University, 82-79, para sa kanilang ikalawang panalo sa Group B ng 2017 FilOil Flying V Pre-season Premier Cup noong Biyernes ng gabi sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan Arena.

Nagtala ng double-double performance na 18 puntos at 13 rebound, na sinundan ni Issa Gaye na may 11 puntos at 9 na rebound upang pamunuan ang ikalawang dikit na panalo ng Bulldogs.

Kontrolado ng Chiefs ang laban sa unang dalawang quarters na nagtapos sa iskor na 39-32.

“We just decided we need to up the level of energy. You know Arellano, they come in with a lot of energy with their guards. So, we have to match their energy,” pahayag ni NU coach Jamike Jarin matapos mapuna na may kulang sa laro ng kanyang team.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ganap na naagaw ng Bulldogs ang bentahe, may dalawang minuto pa ang nalalabi sa third period, 60-58 matapos ang layup ni Jordan Bartlett at mula roon ay hindi na pinaporma ang Chiefs upang maangkin ang panalo.

Nanguna naman sa losing cause ng AU si Lervin Flores na tumapos ding may double-double 15 puntos at 14 rebound.

Nauna rito, naiposte ng Jose Rizal University ang ikatlong sunod nilang panalo pagkaraang padapain ang Letran, 82-74.

Umiskor ng 17 puntos si MJ de la Virgen para pangunahan ang Heavy Bombers sa pag-angat sa markang 3-0 sa Group A habang ibinaon naman ang Knights sa ikatlong sunod nitong pagkabigo.

Gaya ng JRU, nakamit din ng Adamson University at Lyceum of the Philippines University ang kanilang ikatlong dikit na panalo makaraang manaig sa kani-kanilang nakatunggali.

Namayani ang Falcons sa Mapua Cardinals(0-2) , 74-68 habang nanaig ang Pirates sa Universities of the East Red Warriors, 96-80 upang sumalo sa liderato ng Group A. (Marivic Awitan)