“PRC Amazing Grace” ang pangalan ng barko ng Philippine Red Cross (PRC) na pormal na inilunsad nitong Martes sa punong tanggapan ng Philippine Navy sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Ayon sa pahayag ni PRC National Chairman Richard Gordon sa paglulunsad nito, ang barko ay “the realization of our vision to establish the Philippine Red Cross as the foremost humanitarian organization in the country, capable of delivering timely humanitarian services that save the lives and restore the dignity of the most vulnerable.”
Idinagdag ni Pangulong Duterte: “May this ship serve as a concrete reminder that we must prioritize the safety, well-being, and welfare of everybody.” Sinabi niyang ang mabagal na pagresponde sa mga kalamidad ay hindi na dapat na mangyari muli, matapos siyang magbalik-tanaw sa naging karanasan ng bansa nang salantain ng super-typhoon ‘Yolanda’ ang Eastern Visayas noong 2013.
Kaya ng barko ng Red Cross na magsakay ng hanggang 120 pasahero, 20 sasakyan, at 35 toneladang kargamento. Sa isang kapuluan na may mahigit 7,000 isla, ito na marahil ang pinakamabuting paraan ng paghahatid ng emergency relief goods sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad, kung kailan sarado maging ang mga paliparan. Ang barko ng Red Cross ay isang twin-hulled vessel na uubrang maglayag kahit sa maalong karagatan at agarang makadadaong sa mga dalampasigan sa panahon ng emergency.
Binanggit ni Pangulong Duterte ang bagyong ‘Yolanda’ sa kanyang talumpati, ang bagyo na ang hatid na napakalakas na hangin ay nagwasak sa maraming bahay at lumikha ng daluyong sa dagat na nanalasa ng ilang kilometro sa lupa, na nagdulot ng mas matindi pang pinsala at maraming buhay ang nalagas. Hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang rehabilitasyon at ayuda sa mga biktima. Kung noong 2013 ay mayroon nang “Amazing Grace”, naibsan marahil ang pagdurusa ng mamamayan ng Samar at Leyte na parehong labis na sinalanta ng Yolanda.
Hindi lamang makapaghahakot ang barko ng Red Cross ng mga labis na kinakailangang relief goods sa panahon ng emergency. Lulan din nito ang mga taong may kakayahang magsagawa ng rescue operations. Magsisilbi itong lumulutang na pagamutan. Sa lahat ng kaya nitong gawin at sa pangako ng mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng ating bansa na maraming isla at laging may banta ng mga bagyo at pagsabog ng bulkan, tunay na magsisilbing “Amazing Grace” ang barko sa mamamayang aayudahan nito sa mga susunod na taon.