HONG KONG – Kabilang ang “ambitious” P300 billion subway project sa mga magiging centrepiece ng Dutertenomics na tatapusin bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Ang transport project na tatakbo mula Quezon City hanggang Taguig City, padaan sa C-5 Road, ay magkakaroon ng malaking papel sa pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang matinding trapik sa Metro Manila na nagpapabagal sa pagdaloy ng ekonomiya sa kalungsuran.

Inihayag din ni Transportation Secretary Arthur Tugade na matutuloy na ang $2 bilyon Northrail project, na magdudugtong sa Caloocan City at Clark Airfield, Pampanga, sa inaasahang pagkakasundo ng Pilipinas at China sa isyu ng loan agreement. Sinimulan ito sa panahon ni Pangulong Benigno Aquino III ngunit pinigil ang implementasyon dahil sa mga alegasyon ng overpricing.

“We highlighted certain things which for the first time will be happening in the country. Foremost of which is number one, the subway,” sabi ni Tugade sa press conference ng economic managers ng gobyerno na kasama ni Duterte sa Cambodia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasa press briefing din sina Presidential Spokesperson Ernesto Abella; Trade Secretary Ramon Lopez, Public Works and Highways Secretary Mark Villar; Energy Secretary Alfonso Cusia; President at CEO Vince Dizon ng Bases Conversion Development Authority at National Economic and Development Authority chief Ernesto Pernia.

Ibinunyag ni Tugade na ang feasibility study ng subway project, na bahagi ng “build-build-build” catchphrase ng Dutertenomics, ay kasalukuyang isinasagawa katuwang ang Japan International Cooperation Agency bilang inaasahang financier.

“As we would like to mention again now, JICA, which is spearheading the project agreed that the loan agreement between Japan and the Philippines hopefully will be formally signed in November when the Prime Minister (Abe) would have visited the country,” sabi ni Tugade.

Sinabi rin niya na inaasahang makukumpleto ang proyekto sa loob ng apat at kalahating taon matapos itong simulan, kayat posible na mainagurahan ito ng kasalukuyang administrasyon sa 2022.

Ang underground mass transit system ay tatakbo ng 23 hanggang 25 kilometro at mayroong 14 na istasyon, aniya.

(BEN R. ROSARIO)