ANG pag-absuwelto ng Court of Appeals (CA) kay “PDAF Scam Queen” Janet Lim Napoles sa salang illegal detention ay sinundan ng pag-absuwelto kay dating Gov. Joel Reyes ng Palawan na inakusahan naman sa Sandiganbayan ng tiwaling paggamit ng kanyang PDAF. Ang pagkakaiba, bago nakarating sa CA ang kaso ni Napoles, dininig muna ito sa Regional Trial Court ng Makati kung saan siya ay sinentensiyahan ng habambuhay. Kinampihan siya ng gobyerno dahil para bang tumindig na kanyang abogado ay ang Solicitor General na abogado mismo ng gobyerno. Nagsampa ito ng manifestation at hiniling sa CA na siya ay mapawalang sala. Ang manipestasyong ito ang ginamit ng CA para siya’y iabsuwelto at sabihing hindi napatunayan ng prosekusiyon ang kanyang pagkakasala ng walang alinlangan.
Hindi ganito ang nangyari kay Reyes. Kasi, pagkatapos isampa ang kasong plunder laban sa kanya sa Ombudsman, inabot ito ng 12 taon sa preliminary investigation pa lamang. Kaya nang isampa na sa Sandiganbayan, ipina-dismiss ito ni Reyes dahil labag umano ito sa kanyang karapatan sa mabilisang paglilitis na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Kinatigan siya ng Sandiganbayan at ibinasura ang kanyang kaso. Kaya, ang pagbasura sa kaso ni Reyes ay hindi nakabatay sa merito, hindi gaya sa kaso ni Napoles.
Ang malaking problema sa kaso ni Reyes, may mga nauna nang kasong na-dismiss sa parehong dahilan. Alam ito ng Ombudsman, bakit hindi nito pinagpasiyahan kung may probable cause ang kaso ni Reyes at isinampa na sa Sandiganbayan sa loob ng resonableng panahon? Hindi kaya nagiging paraan na ito sa Ombudsman; ang upuan nang matagal ang kaso upang ibasura ng Sandiganbayan kapag inihain na?
Malaking pondo ng bayan ang nakapaloob sa kaso ni Reyes. Kung tutuntunin ang dulo ng ginawa ng gobyerno sa kaso ni Napoles, magaganap ang nangyari sa kaso ni Reyes, maaabsuwelto rin si Napoles sa kaso niyang plunder. Maisasama pa niya ang mga mambabatas at iba pang taong gobyerno na sangkot sa PDAF scam. Ang pondong dinambong sa kaban ng bayan ay P10 bilyon. Napakalaking bagay sana ito kung naikalat sa taumbayan.
Hindi ko makita ang katarungan sa mga nagiging epekto ng war on drugs ng Pangulo. Libu-libo na ang napatay ng sinasabi ng awtoridad na legal na operasyon at extrajudicial killings. Marami na ang nakulong at nabiktima ng abusadong pagpapairal ng operasyon laban sa droga. Halos lahat ay mahirap na pinadukha ng mga mandarambong sa gobyerno. Natatalo ang gobyerno sa hangarin nitong mapangibabaw ang katotohanan at katarungan. (Ric Valmonte)