Naaresto ng Philippine Army ang most wanted na kumander ng New People's Army (NPA) sa Western Mindanao sa Barangay Gango, Ozamiz City, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Brigadier General Rolando Joselito D. Bautista, commander ng 1st Infantry Division, ang nadakip na si Rommel Salinas, alyas “Vencio”, “Beto”, “Carlos”, “Doming”, “Artem”, at “Mark”.
Naaresto si Salinas bandang 6:00 ng gabi nitong Huwebes.
Ayon kay Bautista, dinakip ng tropa ng 102nd Infantry Brigade ng 1st Infantry Division ng Army, kasama ang mga operatiba ng Ozamiz City Police Office, si Salinas, ang kalihim ng Secom Sendong Western Mindanao Regional Party Committee, sa bisa ng iba’t ibang arrest warrant.
Nahaharap si Salinas sa mga kasong destructive arson, murder, frustrated murder, attempted murder, at robbery in band.
Nakumpiska rin kay Salinas ang isang granada at mga personal niyang gamit, ayon kay Gen. Bautista.
Kasamang naaresto ni Salinas ang asawa niyang si Maria Teofifina Morales, si Bishop Carlo Morales ng Aglipayan Church, at driver nilang si Sadome Dalid.
Lulan ang apat sa maroon na Hyundai Starex van at pawang dinala sa himpilan ng Ozamis City Police.
(FRANCIS T. WAKEFIELD)