MAKIKIBAHAGI ang Pilipinas, ang nag-iisang Katolikong bansa sa Asia, sa pandaigdigang selebrasyon para sa ika-100 anibersaryo ng Aparisyon sa Fatima ng Pinagpalang Birheng Maria sa Portugal noong Mayo 13, 1917.
Inaasahang dadalo ang mga deboto ni Maria sa pagdiriwang sa lahat ng simbahan at kapilyang Katoliko sa iba’t ibang panig ng kapuluan upang bigyang-pugay ang Pinagpalang Birheng Maria at hilingin ang pamamagitan nito upang matamo ang pandaigdigang kapayapaan sa gitna ng maligalig na mundo na nahaharap sa mga banta ng digmaang nukleyar, insurhensiya sa iba’t ibang bansa, at sa nakalipas na mga taon, sa bangis ng terorismo na pumapatay sa libu-libo.
Ang pagdarasal ng rosaryo ang magiging pangunahing tampok sa pansiglong selebrasyon ng Fatima Apparition sa lahat ng simbahan sa Pilipinas ngayong Sabado.
Ayon sa mga record ng Fatima, nagpakita ang Pinagpalang Birheng Maria, ang Ina ni Hesukristo, sa tatlong batang pastol — sina Lucia, Jacinta and Francisco — sa loob ng anim na magkakasunod na buwan simula noong Mayo 13, 1917 at tuwing ika-13 ng mga sumunod na buwan hanggang noong Oktubre 13 ng kaparehong taon.
Sa serye ng aparisyong ito inilahad ni Birheng Maria sa mga batang pastol ang tatlong sekreto. Ayon sa opisyal na interpretasyong Katoliko, ang tatlong lihim ay tungkol sa Impiyerno, sa magtatapos noong Unang Digmaang Pandaigdig, sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939 sa Europa at sa Pasipiko noong 1941, at sa pagpatay kay Pope John Paul II na nangyari sa St. Peter’s Square sa Roma noong Mayo 13, 1981 na naligtasan ng Santo Papa. Sa panahong ito ng mga aparisyon, hinimok ng Pinagpalang Birheng Maria ang sangkatauhan na magsisisi sa mga kasalanan at manalangin, partikular na ang Rosaryo upang matamo ang pandaigdigang kapayapaan at walang hanggang kaligtasan.
Sinabi ni Fr. A.M. Martins, SJ, isang eksperto sa Fatima Apparition, na “that wars and cataclysms are God’s punishments for our sins.” Binanggit niya ang Banal na Salita tungkol sa pagwasak sa Sodom dahil sa labis na pagiging makasalanan ng mga tao roon noong panahong iyon.
Patuloy na nagkakasala ang sangkatauhan hanggang ngayon. At ang mga nakasisindak na kaganapan sa mundo sa kasalukuyan, gaya ng mga digmaan, terorismo at kalamidad ay katulad ng mga nangyari libu-libong taon na ang nakalipas, kaya kailangan nang magbagong-buhay ang mga tao at magbalik-loob sa Diyos upang maisalba pa ang ating daigdig mula sa galit ng Panginoon.
Ang panawagan sa ngayon ay ang himukin ang sangkatauhan na magsisi sa kanilang mga kasalanan, ngayon na habang hindi pa huli ang lahat!
Sa mga aparisyong ito sinabi ng nagpapakitang babae na siya ang Pinagpalang Birheng Maria, ang Ina ni Hesukristo.
Hiniling niya sa tatlong bata na himukin ang sangkatauhan na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan.
Binigyang-diin ng Birheng Maria ang kahalagahan ng pananalangin, partikular ng Banal na Rosaryo, at ang debosyon sa Kalinis-linisang Puso ni Maria, upang mailigtas ang sangkatauhan sa matinding kaparusahan. (PNA)