NAGAMOT ni Ed Sheeran ang kanyang pagkautal noong siya ay bata pa sa pamamagitan ng pagra-rap ng mga awitin ni Eminem.
Ibinunyag ng 26-anyos na musikero sa U.K. radio show na Desert Island Discs na mayroon siyang debilitating speech impediment noong bata pa siya.
Ngunit pagtuntong sa siyam na taong gulang, ginamot ni Ed ang sarili sa pagsabay sa pag-rap ng mga liriko sa ikatlong album ni Eminem na The Marshall Mathers LP, na iniregalo sa kanya ng tiyuhin niya.
“My parents didn’t know the content of the album, and I must have been nine when it came out,” aniya. “And when you’re nine and someone is saying rude stuff, you wanna learn it. So I learned all of the album back-to-back and he raps at such a fast pace that my stammer would go when I rapped.”
Idinagdag ni Ed na nang madiskubre niya ang hip-hop sa pamamagitan ni Eminem, naki-rap din siya sa mga musika nina Dr. Dre, Tupac Shakur at Biggie Smalls.
Nagtagumpay ang Thinking Out Loud singer na malunasan ang kanyang problema sa pagsasalita at tumanggap pa siya ng award sa isang “stuttering gala”.
Sa pagdalo niya sa event, natuklasan niya na marami ring ibang bata na tulad niya ay ginamit ang musika para maiwasto ang pagsasalita.
“I don’t really know what it was for, but I went there, and there were a bunch of kids who said exactly the same thing: that singing and music stopped them stammering,” paliwanag niya. (Cover Media)