Nabulabog at naantala kahapon ang mga transaksiyon sa tanggapan ng Professional Regulatory Commission (PRC) sa Sampaloc, Maynila nang dahil sa bomb threat na nagsimula umano sa tsismis.
Sa ulat ni PO1 Danny Cabigting, ng Manila Police District (MPD)-Station 4, dakong 11:00 ng tanghali nang ipagkalat ng isang ‘di kinilalang guwardiya ng tanggapan ang nasagap na “tsismis” na may bombang sasabog sa loob ng PRC office.
Dahil dito, agad inalerto ng officer-in-charge (OIC) ng tanggapan ang mga awtoridad tungkol sa nasabing banta.
Pinalabas din ang lahat ng tao sa loob ng PRC, kabilang ang mga empleyado, at isinara ang mga lansangan habang sinisiyasat ng mga tauhan ng MPD-Explosives and Ordnance Division (EOD) at Special Weapons and Tactics (SWAT) ang lugar.
Nang matiyak na walang ano mang pampasabog sa loob ng tanggapan, tuluyan nang idineklarang ligtas ang lugar.
Ayon kay Police Chief Inspector Ramon Nazario, commander ng University Belt Area Police Community Precinct (PCP), napag-alaman na narinig lamang ng guwardiya ang tsismis sa bomb threat. (MARY ANN SANTIAGO)