BUBULAGA sa bayang karerista ang 11 matitikas na ‘thoroughbred’ – tatlong taong mga pangarera -- na paparada at magtatagisan ng husay sa first leg ng prestihiyosong Philippine Racing Commission (Philracom) Triple Crown series sa Mayo 21 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Nakahandang magbigay ng aksiyon ang Batang Poblacion ni Ferdinand Eusebio, Biglang Buhos ng Stony Road Horse Farm, Breaking News ni Aristeo Puyat, Doshermanos Island (filly) at Pangalusian Island ni Wilbert Tan, Hiway One ni Joseph Dyhengco, Golden Kingdom ni Lamberto Almeda Jr., Manda ni Benjamin Abalos Jr., Metamorphosis ni Herminio Esguerra, Sepfourteen ng SC Stockfarm at Smokin Saturday ni Roberto Inigo.

May kabuuang P3 milyon ang nakatayang premyo sa karera na may distansiyang 1,600 meters, tampok ang P1.8 milyon para sa kampeon, habang may P675,000 sa runner-up. May nakalaang P375,000 at P150,000, sa ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Magkakaibang bida ang nangibabaw sa Triple Crown sa nakalipas na taon kung saan napagwagihan ng Radio Active ang first leg laban sa paboritong Dewey Boulevard.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakabawi ang Dewey Boulevard sa second leg, habang nakasingit ang Underwood sa final leg.

Sa kasaysayan, ang huling kaganapan para sa pambihirang three-peat ay nagawa ng Kid Molave ni Emmanuel Santos noong 2014, sapat para pagkaloob ito ng dagdag na P500,000 bonus.

Inihalintulad ang three-leg series sa Triple Crown ng Amerika na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.

Sinimulan ang programa noong 1978 na tinampukan ng Native Gift sa unang dalawang leg, bago nakasilat ang Majority Rule. Mula noon nakapaglunsad ng 10 Triple Crown champion.

Kabilang sa mga kampeon ang Fair and Square noong 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).

“We expect some solid competition with the good field of horses not just for the Triple Crown but for the other races as well ” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.

“Participating horseowners and their families will be there, and so are the fans cheering for their favorite horses and jockeys.”

Tampok na karera rin sa Linggo ang Philracom Hopeful Stakes Race na may premyong P1 milyon, Philracom 3YO Locally Bred Stakes Race na may kaakibat na P500,000 premyo.

Binubuo ang Hopeful Stakes Race ng April’s Song, Brilliance, Caloocan Zap, Flawless Diamond, Flintridge, Gintong Lawin, Greatwall, Lemonada, Mount Pulag, Rochelle, Temecula at Time on Target, habang labanan sa 3YO Locally Bred Stakes ang Caloocan Zap, Cerveza Rosas, Creme Brule, Flawless Diamond, Gintong Lawin, Himig, Indian Warrior, Kingship, Magic Carpet Ride, Mr. Bourbon, Pagkakataon, Power Hook, Puerto Princesa, Selfie, Sikat at Time on Target.