SA gitna ng matinding galit ng publiko kasunod ng mga reklamo laban sa ilang unit ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa mga unibersidad sa Pilipinas, na pinalala pa ng pagkamatay ng isang kadete na ang bangkay ay natagpuang palutang-lutang sa Ilog Pasig noong 2001, pinagtibay ng Kongreso ang RA 9163, ang National Service Training Program Act of 2002, na epektibong nagpatigil sa programa ng ROTC na matagal nang nire-require sa lahat ng estudyante sa kolehiyo sa bansa.
Alinsunod sa RA 9163, inoobliga ang lahat ng estudyante sa kolehiyo na pumili sa isa sa tatlong programa, ang “Literacy Training Service” — para magturo sa mga paaralan at sa mga batang hindi na nag-aaral; ang “Civic Welfare Training Service” — para sa mga aktibidad na magpapabuti sa kalusugan, edukasyon, at iba pa sa mga komunidad; at ang ROTC — ang pagsasanay sa kahandaang ipagtanggol ang bansa. Hindi na naging prerequisite sa pagtatapos ang ROTC at sa tatlong pagpipilian, pinili ng karamihan sa mga estudyante ang maglingkod sa komunidad.
Ngayon, may lumalakas na panawagan na muling ibalik ang programa ng ROTC sa mga eskuwelahan sa bansa, sa pangunguna mismo ni Pangulong Duterte, na unang binanggit ang tungkol dito sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2016. Naghain na ng panukala si Senate President Aquilino Pimentel III upang muling buhayin ang programa ng ROTC, ngunit iba na ang tututukan sa pagkakataong ito at iibahin na rin ang pangalan. Iginigiit ng kanyang panukala ang isang Citizen Service Training Course (CSTC) upang sanayin ang kabataan na makibahagi sa Citizen Service Corps na tutulong sa gobyerno sa panahon ng pangangailangan.
Bagamat ang pangunahing paksa ng CSTC ay ang pagsasanay sa external at territorial defense training — gaya ng sa unang ROTC — palalawakin ito upang saklawin ang batas at kaayusan, at ang mga paraan upang maging handa sa anumang kalamidad. Magtatatag ng isang Citizen Service Mobilization Commission (CSMC) na magkakaloob ng proteksiyon laban sa mga posibilidad ng pang-aabuso gaya ng kinasangkutan ng ROTC noong 2001.
Maliban sa mga negatibong balitang nagsulputan nang mga taong iyon, naging maganda ang reputasyon ng ROTC bilang programa sa pagsasanay sa kabataan sa bansa. Sinimulan ng Philippine Constabulary ang pagtuturo ng militar sa University of the Philippines (UP) noong 1912, at ang una at opisyal na ROTC unit ay itinatag sa UP noong 1922, kasunod ng mga kaparehong unit sa National University, Ateneo de Manila, Liceo de Manila, at Colegio de San Juan de Letran.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1941, nakipaglaban ang mga kadete at opisyal ng ROTC mula sa 33 pamantasan at unibersidad sa bansa sa Battle of Bataan at sumapi sa US Armed Forces in the Far East (USAFFE) at sa iba’t ibang grupong gerilya, kabilang ang tanyag na Hunters ROTC noong panahon ng Hapon. Ilang henerasyon ng estudyanteng Pilipino ang sumailalim sa pagsasanay ng ROTC sa mga sumunod na taon, hanggang sa tuluyang ipatigil ang programa bilang requirement sa kolehiyo noong 2001.
Marahil panahon na ngang ibalik ito. Sa buong panahon ng kasaysayan, naging epektibo ito sa pagbibigay ng pagsasanay na katulad ng ipinagkakaloob sa mga sibilyan sa Switzerland, Canada, Amerika, at — sa mga karatig natin — sa Taiwan, Singapore, South Korea, Japan, at China. Ang mga pagsasanay na gaya nito ay makatutulong sa panahon ng emergency, hindi lamang sa larangan ng sandatahan kundi maging sa panahon ng kalamidad, tulad ng lindol, baha, o bagyo.