NEW YORK – Mahigit 70 bansa ang ginimbal ng malawakang cyberextortion attack nitong Biyernes na nag-lock sa mga computer at kinontrol ang files ng gumagamit nito kapalit ng pagbabayad ng ransom ng napakaraming ospital, kumpanya, at ahensiya ng gobyerno.

Pinaniniwalaang ito ang pinakamatinding cyberattack sa kasaysayan.

Sinamantala ng mapaminsalang software—ang WannaCrypt—na nasa likod ng pag-atake ang isang partikular na kahinaan ng Microsoft Windows na natukoy ng National Security Agency para sa sarili nitong intelligence-gathering ngunit minalas na nag-leak sa Internet.

Labis na naapektuhan ang pambansang serbisyong pangkalusugan ng Britain, at napilitan ang mga ospital na magsara ng mga ward at emergency room, kinansela ang mga nakatakdang operasyon, at itinaboy ang mga pasyente.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Inihayag ng Kaspersky Lab na nakatukoy ito ng mahigit sa 45,000 pag-atake ng WannaCrypt software sa 74 na bansa, partikular na ang Russia.

Iniulat ng FedEx ng Amerika at Telefonica ng Spain na apektado rin ang kani-kanilang sistema, at malawakan din ang naging perhuwisyo ng malware sa social security system ng Brazil.

Pinakamatindi namang naapektuhan ang Russia, ayon sa mga security expert, at kinumpirma ito mismo ng Interior Ministry ng bansa.

Inihayag naman ng ilang cybersecurity firm na natukoy na nila ang salarin na software, na responsable sa libu-libong pag-atake sa mahigit 60 bansa.

Kapag napasok ang computer ng “ransomware” — na tinatawag na WannaCrypt, WannaCry, at WannaDecryptor — nala-lock ang files ng user at lalabas ang mensahe ng paghingi ng pera upang muling magamit ang files.

Tinawag ni Mikko Hypponen, chief research officer ng cybersecurity company na F-Secure sa Helsinki, ang pag-atake na “biggest ransomware outbreak in history”.

Ayon sa mga security expert, kusang nakokopya ang malware kapag pumasok ito sa mga kumpanya at organisasyon kapag nag-click ang mga empleyado sa mga email attachment, at mabilis itong kumakalat sa mga computer sa pagpapalitan ng mga dokumento at files.

Ang ransom ay nagsisimula sa $300 at makalipas ang dalawang oras ay itataas sa $400, $500 hanggang $600, ayon kay Kurt Baumgartner, security researcher sa Kaspersky Lab. Maaari pang ma-restore ang files kung may backup ito, ngunit kung walang backup at wala ring pambayad sa ransom, tuluyan nang maglalaho ang files.

Ang kahinaan ng seguridad ng Microsoft Windows ay ibinunyag kamakailan ng TheShadowBrokers, isang misteryosong grupo na isinapubliko ang tinawag nitong hacking tools na ginagamit ng NSA sa intelligence-gathering.

Kaagad namang inihayag ng Microsoft na naglabas ito ng mga software “patches” para sa mga kapalpakan ng system.

Subalit maraming kumpanya at indibiduwal ang hindi pa nakapag-i-install ng nasabing patches o kaya naman ay lumang bersiyon pa ng Windows ang ginagamit, na hindi na suportado ng Microsoft. (AP, Sputnik, Xinhua)