Limang hinihinalang kawatan ang ibinulagta sa magkakahiwalay na engkuwentro sa Quezon City, nitong Biyernes ng madaling araw.

Dakong 12:50 ng madaling araw, nakipagbarilan ang mga tauhan ng Quezon City Police District’s (QCPD) City Hall Detachment sa tatlo umanong holdaper na naiulat na nambiktima ng isang sibilyan sa harap ng isang fastfood restaurant sa panulukan ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue sa Barangay Culiat.

Ayon kay Arnel Cruz, 32, naghihintay siya ng masasakyang jeep nang lapitan ng mga suspek at tinutukan ng baril sabay deklara ng hold-up. Aniya, kinuha ng tatlo ang kanyang bag naglalaman ng cell phone at iba pang gamit.

Matapos ang pagtangay, tumakas at sumakay ang mga suspek sa jeep na patungong Quezon Memorial Circle.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa kabutihang palad, nakita ni Cruz ang mobile patrol na minamaneho ng mga tauhan ng Quezon City Hall police at agad humingi ng tulong sa mga ito at hinabol ang mga suspek.

Namataan nila ang tatlo na naglalakad sa kahabaan ng Arboretum Street sa UP Campus, at bitbit ang bag ni Cruz.

Ngunit nang lapitan ng mga operatiba, bumunot ng baril ang tatlo at pinaputukan ang una, hanggang sa magkapalitan ng bala na naging sanhi ng pagkamatay ng mga suspek.

Kinilala ng awtoridad, sa pamamagitan ng postal ID, ang isa sa mga suspek na si Jonathan Lucente, 38, ng Congressional Road, Bgy. Batasan Hills.

Patuloy namang kinikilala ang dalawa pang suspek.

Nakuha mula sa tatlo ang isang caliber .38 revolver at dalawang caliber .45 baril.

Sa Bgy. Pinyahan, ibinulagta naman ng mga operatiba ng QCPD Special Operations Unit (DSOU) ang dalawang lalaki na nanloob sa isa sa mga bahay sa Matimpiin St., dakong 2:10 ng madaling araw. Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ayon kay Antonio Isaac, 55, iginapos siya ng mga armadong suspek at tinapalan ng packaging tape ang kanyang bibig habang kinukuha ng mga ito ang tatlong computer printer, isang computer keyboard, isang DVD player at set ng speakers sa loob ng kanyang bahay.

Sinabi ni Isaac na tumakas ang mga suspek sakay sa isang berdeng tricycle. Nang makaalis na ang mga suspek, agad humingi ng tulong ang biktima sa nagpapatrulyang pulis ng DSOU.

Hinabol at kinorner ng mga pulis ang dalawa, limang metro ang layo mula sa bahay ni Isaac. Ngunit sa halip na sumuko, pinaputukan ng mga suspek, gamit ang caliber 38 revolver at 45-caliber pistol, ang mga pulis.

Ilang tama ng bala sa katawan ang ikinamatay ng mga suspek. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)