Tatlong katao ang nasawi habang 10 ang sugatan sa magkahiwalay na banggaan ng mga sasakyan sa Caloocan City.
Sa report ni PO2 Chester Racelis, ng Caloocan City Traffic Enforcement Unit (CCTEU), dead on the spot si Jerome Janaban, 21, ng Block 30, Lot 85, Phase 3D, Barangay Dagat-Dagatan habang nalagutan naman ng hininga habang nilalapatan ng lunas si Ruby Ann Catian, 26, ng Block 2D, Lot 38, Bgy. 14 ng nasabing lungsod.
Ginagamot naman sa Caloocan City Medical Center ang anim sa mga nasugatan na sina Rosita Ignacio, 49; kapatid niyang si Ma. Lourdes, 47; Marife Tabenilla, 45; Avelino De Los Reyes, 73; Albert Mendoza, 33; at Ramil Duhilag, nasa hustong gulang.
Base sa imbestigasyon, bandang 3:15 ng hapon nitong Huwebes, sakay sa tractor head (PUJ-219) si Elmer Cabalhao, 36, ng Cainta Rizal, at binabagtas ang C-3 Road, Talakitok Street, Caloocan City.
Iniwasan umano ni Cabalhao ang nasalubong na lalaki na sakay sa motorsiklo, at dahil sa tulin ay nabangga niya ang nakahintong pampasaherong jeep (PWP-400) na kinalululanan ng mga biktima at minamaneho ni Duhilag.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon sina Janaban at Catian habang sugatan ang anim pang sakay.
Kasong reckless imprudence resulting to two counts of homicide and multiple physical injuries and damage to properties ang isinampa laban kay Cabalhao.
Samantala, dakong 9:15 ng gabi binangga ni Alexis Santos, sakay sa wagon, ang likurang bahagi ng pampasaherong jeep na minamaneho ni Manuelito Balmonte, Jr., sa kanto ng Gen. Tino.
Noong oras ding iyon nalagutan ng hininga ang isa sa mga pasahero ni Balmonte na si Carl Ivan Samaniego, 18, ng Green Valley, Pulong Buhangin, Sta. Maria Bulacan, matapos tumilapon at mabagok sa semento.
Sugatan din ang apat na pasahero na sina Elvie Samonte, 29; Marie Cuadro, 29; Janxle Gabrile Acuna; 11; at Emmanuela Balmonte, 5.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple serious physical injuries and damage to property ang kinakaharap ni Santos. (Orly L. Barcala)