KABILANG ako sa mga nagkibit-balikat sa pagkakahirang kay General Roy Cimatu bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR); itinalaga siya ni Pangulong Duterte bilang kahalili ni dating Secretary Gina Lopez na nabigong makalusot sa magkakasalungat na pananaw ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Ang aking pag-aagam-agam sa pagkakahirang kay Cimatu ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa kanyang kakayahan, katalinuhan at matatag na determinasyong tumupad ng isang makabuluhang tungkulin. Manapa, nais kong bigyang-diin na bilang isang dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang kanyang misyon ay nakatuon sa pangangalaga sa katahimikan ng sambayanan at sa paglipol ng masasamang elemento na laging naghahasik ng karahasan at panganib sa mga komunidad.
Ang naturang misyon ay maliwanag na taliwas sa mga tungkuling nakaatang sa DENR, tulad ng laging ipinaglalaban ni Ex-Secretary Lopez; walang puknat na pinupuksa ang mga salot ng kalikasan at kapaligiran na wala ring patumangga sa paglabag sa mga batas ng pagmimina. Wala siyang sinisino sa pagsuspinde at pagpapasara sa mining industry na mistulang mga berdugo ng kalikasan na nagdulot ng matinding pagdurusa sa kawawang magsasaka at mangingisda.
Bilang isang dating mataas na opisyal ng militar na nadedestino sa iba’t ibang lugar sa bansa, naniniwala ako na naturuan niya ang taumbayan na magtanim ng mga punongkahoy at mangalaga sa kalinisan ng mga ilog; bahagi ito ng kanyang misyon na proteksiyunan ang kalikasan. At sa kanyang bagong tungkulin, lagi kong naririnig ang kanyang paninindigan hinggil sa pagbalanse o pagtimbang ng environmental care at responsible mining. Bahagi rin ito ng pagtimbang sa kaligtasan ng kapaligiran sa pananalanta ng mga tampalasang minero.
Kaakibat ng panunungkulan ni Cimatu, hindi maiiwasang itanong: Matutumbasan kaya niya ang 23 minahan o mining industry na ipinasara ni Lopez? At tularan kaya niya ang mistulang pakikidigma sa malalaking negosyante ng... pagmimina na pasimuno sa pagwasak ng kalikasan at kapaligiran? Alisin kaya niya ang suspension at closure order laban sa 23 mining industry?
Bukod dito, hindi rin maiiwasan gumitaw ang mga pagdududa na si Cimatu ay walang karanasan sa pangangalaga ng kapaligiran, pagtatanggol sa karapatan ng Indigenous People (IP), sa katarungang panlipunan at sa pagbubunsod ng pro-poor development.
Bagamat ang propesyon ni Cimatu ay taliwas sa pangangalaga sa kalikasan, naniniwala ako na higit niyang igagalang ang karapatan ng sambayanan laban sa pagsasamantala at pamiminsala ng mga tiwaling minero – kahit na sino ang kaalyado ng mga ito. (Celo Lagmay)