GALIT at may kasama pang pagmumura ang malamang na naging reaksiyon ng ilan nating kababayan na nakapanood, nakarinig o nakabasa ng balita hinggil sa apat na Makati cops, na inaresto sa reklamong pangingikil sa entrapment operation ng mga operatiba ng Philippine National Police – Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF).
Dito nga lang sa paborito kong terminal ng tricycle sa Novaliches, Quezon City, nakagugulat ang sabay-sabay na pagmumura ng mga drayber at pasahero habang kumukumpas ang kanilang mga kamay na pawang nakaturo sa telebisyon na nagbabalita hinggil sa mga “extortionist” na pulis na bumiktima ng magkasintahang negosyante na taga-Merville Village sa Pasay City.
“Sibakin at ikulong ang mga timawang pulis!” iisang sigaw ng mga nasa terminal ng tricycle na nanonood ng balita sa telebisyon -- ang mismong press briefing sa Camp Crame nang iharap sa media ni Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, CITF commander, ang apat na pulis na sina PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynes, PO1 Tim Santos at PO1 Jeffrey Caniete.
Ayon kay Sr. Supt. Malayo, ang mga tiwaling pulis ay nasakote nito lamang Martes ng maghahatinggabi, sa aktong kinokotongan ng karagdagang P300,000 ang magkasintahang una nang nabakalan ng P100,000 noong Lunes ng gabi at puwersahang tinangay mula sa kanilang talyer sa may panulukan ng Merville East Service Road, Pasay City.
Ang mga biktima, na kapwa hindi pinangalanan para sa kanilang seguridad, ay isinakay umano sa van at pinaikut-ikot sa may Pasong Tamo, Makati City habang tinatakot na idadamay ang kanilang pamilya kapag hindi ibinigay ang balanseng P300,000. Sa takot, nangako ang magkasintahan na ibibigay ang pera kinabukasan kaya agad silang pinakawalan ng mga pulis.
Dito na nagdesisyon ang magkasintahan na magsumbong sa PNP-CITF sa Camp Crame, na agad namang nagkasa ng entrapment operation ng araw ding iyon.
Ang malaking “question mark” lamang sa akin dito ay bakit tila tahimik ang CITF kung ano ang kasong ipinupukol naman sa magkasintahang negosyante na naging dahilan para mapilit silang maglabas ng P100,000 at agad na ibigay sa apat na pulis na “humuli at tumangay” raw sa kanila…dapat ay may ibigay na paglilinaw dito ang CITF. Malabo kasing magkalakas ng loob ang mga pulis na mang-extort, kung walang silang makikitang butas, o kahit na inisyal na paglabag sa batas, mula sa kanilang binibiktima.
May apat pang kasabwat ang grupo—dalawang pulis, isang sibilyan at isang retiradong opisyal... ng PNP—na pinaghahanap ngayon ng CITF matapos silang ikanta ng apat na inaresto. Dahil din dito, sinibak agad sa puwesto ang hepe ng Makati Police na si Sr. Supt. Dionisio Bartolome at ang hepe ng Intelligence Division na si Chief Inspector Oscar Pagulayan.
Saludo ako sa maagap na aksiyon na ito ng CITF at lalo na sa mabilis na pagsibak ni PNP Chief PDG Ronald “Bato” dela Rosa sa dalawang responsableng opisyal ng apat na tiwaling pulis, upang magsilbing halimbawa sa iba pang opisyal ng PNP na sila ang mananagot sa katiwaliang ginagawa ng kanilang mga tauhan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)