PHNOM PENH, Cambodia – Tiniyak ni incoming Foreign Affairs (DFA) secretary Senator Alan Peter Cayetano na magsisimula ngayong buwan ang bilateral talks ng Pilipinas at China kaugnay sa mga inaangking teritoryo sa South China Sea.

Inihayag ito ni Cayetano matapos sabihin ng mga kritiko ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nawawalan na siya ng lakas sa China kaugnay sa iringan sa South China Sea dahil sa labis na pakikipagkompromiso sa larangan ng benepisyo sa ekonomiya.

Ayon kay Cayetano, nakatuon ang nakaraang administrasyon sa pagharang sa China at pagpoprotekta sa teritoryo ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan ngunit tila nakalimutan na ang kabuuang relasyon sa bansa sa higante ng Asia, kabilang na ang economic diplomacy.

“We are meeting the objectives and the President is moving a giant step forward,” aniya sa mga miyembro ng Philippine media sa press briefing sa Phnom Penh nitong Miyerkules ng gabi.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Itong May, we will start talking to China bilaterally about the claims of both countries and the COC [Code of Conduct],” aniya. Idinagdag na ang mga pag-uusap ay tungkol sa pagbuo sa COC na mahigit isang dekada nang naantala.

Sinabi ni Cayetano na hindi siya sigurado kung babanggitin sa bilateral talks sa China ngayong taon ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal sa Hague.

“I don’t know exactly. What’s important is ‘yung claim natin and ‘yung basis ng claim nandon,” aniya.

“We told our Chinese counterparts--mag-start tayo walang kondisyon; create tayo ng mutual trust,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na hindi mapapawalang-saysay ang mga pinagsikapan ng mga nakalipas na Pangulo mula kay Marcos hanggang kay Aquino.

“Lahat ng past efforts, Wala tayong sasayangin. Ibig sabihin bawat bala na binigay sa atin na pabor sa Pilipinas, nandiyan ‘yan,” diin niya.

“Sabi nga lang ni Presidente, give him the option kung kailan niya ilalabas, kailan niya gagamitin. And we will follow the President,” aniya pa. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)