Posibleng namataan ang mga barkong Chinese sa Eastern Samar, ngunit sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na sisilipin pa nila kung may nagawang paglabag ang mga ito sa paglalayag sa karagatang nasa loob ng teritoryo ng bansa.

Sinabi ni PCG spokesman Commander Armand Balilo na wala silang nakitang ilegal sa paglayag ng Chinese research ships sa lugar, lalo na kung ito ay “innocent passage” lamang.

“Basta dumaan lang, walang problema. Kung more than 12 nautical miles ng territorial sea, pwede ka naman dumaan,” aniya.

Ipinaliwanag ni Balilo na maging ang United States at Japan ay ginagamit ang right to passage sa mga dagat ng Eastern Samar.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Lahat naman dumaraan diyan,” sabi ni PCG spokesman.

Naglabas ng pahayag si Balilo matapos mapaulat ang pagdaan ng mga barkong Chinese hindi lamang sa mga teritoryong pinag-aagawan sa South China Sea, kundi sa mismong Philippine Sea.

Nabunyag na naglalagay ang China ng radar at iba pang surveillance installation malapit sa Panatag Shoal sa Zambales at nagpadala rin ito ng mga barko sa Benham Rise para sa research mula Nobyembre 2016 hanggang Enero ngayong taon.

Ang huli rito ay ang iniulat na pagpasok ng Xiang Yang Hong 03 na tumagal pa ng siyam na araw sa hilagang kanluran ng Vigan City, Ilocos Sur at ng Xiang Yang Hong 06, na tumagal ng 19 na araw hanggang sa makitang nasa 226 nautical miles na ng hilagang silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Namataan ang mga barkong Chinese sa Eastern Samar mula Enero hanggang Marso, ayon kay Balilo.

Gayunman, sinabi ng pinuno ng Public Affairs Office ng PCG, na wala silang natanggap na anumang impormasyon tungkol sa Chinese research ships na namataansa Ilocos Sur gayundin ang mga naging aktibidad nito sa Eastern Samar.

“Wala naman report kung ano talaga ginawa nila ‘dun,” aniya. (Raymund F. Antonio)