KINORONAHAN si John Raspado ng Pilipinas bilang Mr. Gay World 2017 sa pageant na ginanap sa Madrid, Spain nitong Miyerkules ng gabi.

Nakuha rin ng 36-year-old online marketing trader ang limang special awards sa international competition na nilahukan ng 21 gay men mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga special award ay Best in Swimwear, Best in Formal Wear, Mr. Interview, Mr. Online Vote at Mr. Social Media.

Ilang araw bago ginanap ang pageant, naniniwala ang observers na ang titulo ay pag-aagawan ni Raspado at ng Mr. Spain na si Candido Arteaga. Si Raspado ang itinanghal na nagwagi at si Candido Arteaga naman ang nanalong 1st runner-up.

Ang 2nd runner-up honors ay nakuha ni Raf van Puuymbroeck ng Belgium; Alexander Steyn, South Africa, 3rd runner-up; at Marco Tornese, Switzerland, 4th runner-up.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Bago isinagawa ang patimpalak, nangako si Raspado na iuuwi ang titulo at inaming pressured siya dahil naging second place winner ang Pilipinas noong nakaraang taon.

“I will be showcasing a different John Raspado. I have tons of supporters around the world. ‘Yun siguro ang pinaka-edge ko,” sabi ni Raspado bago tumulak patungong Spain.

Nagsanay si Raspado sa ilalim ng Kagandahang Flores beauty camp na pinamumunuan ni Rodgil Flores. Ito rin ang grupong humubog kay 2017 Bb. Pilipinas Universe Rachel Peters, ang magiging kinatawan ng bansa sa 2017 Miss Universe beauty ngayong taon.

“Ang dami kong preparations simula nang nanalo ako bilang Mr. Gay World Philippines. Diet din ako. You have to prepare physically, mentally and emotionally,” sabi ni Raspado nang tanungin tungkol sa paghahanda niya sa patimpalak.

Sinabi ng hunky Filipino mula Baguio City na itinuring niyang malakas na kalaban ang mga kandidato ng Belgium at Spain.

“Nakita ko na actually ‘yung mga videos nila and halos lahat naman kami deserving sa title. But we will see. Sa online voting kasi ngayon ako ang nangunguna followed by Spain and Belgium,” ani Raspado.

Iniaalay ni Raspado ang kanyang panalo sa Mr Gay World sa kanyang ina.

“Malaki ang suporta ng nanay ko. Unang-una, ‘yung acceptance n’ya sa akin. It gave me full potential as an openly gay person,” dagdag niya.

Sinabi ni Wilbert Tolentino na ang national costume na isinuot ni Raspado, inspired Spanish at pre-colonial influences ng Pilipinas, ay nagkakahalaga ng $5,000 o halos P250,000.

Nilikha ito ng celebrity designer na si Rocky Gathercole na gumawa na rin ng costumes nina Lady Gaga, Britney Spears, Katy Perry, Nikki Minaj, Beyonce, Carrie Underwood, at iba pa.

Ang gold embellished metallic head piece ay dinisenyo bilang simbolo ng indigenous mythical demigod na si “Sidapa,” isang dakilang mandirigma at patron ng homosexuals sa Pilipinas.

Ang isinuot na formal wear ni Raspado ay likha naman ni Leo Almodal at ang kanyang buong ensemble ay nagkakahalaga ng $2,000 (P100,000).

“Sa preparations natin for John, hindi mapapahiya ang Pilipinas,” sabi ni Tolentino.

Sumikat si Raspado nang manalo siya sa “I am PoGay” contest sa popular noontime program na It’s Showtime noong 2014. (ROBERT R. REQUINTINA)