INILABAS na nitong Huwebes ni Miley Cyrus, na dumaan ang karera sa maraming pagbabago, ang isang lo-fi rock ballad na malayo sa kanyang dating tunog.
Ang Malibu, unang awitin sa album na inaasahang ilalabas sa huling bahagi ng taon, ay inaakumpanyahan ng lo-fi, jam-rock guitar na sinasabayan ng dreamy at understated na boses ni Miley.
Sa kasamang video, makikitang gumugulong si Miley sa buhangin, nakaupong nagninilay-nilay sa parang na maraming bulaklak, nilalambing ang kanyang aso, at masayang nagpapalipad ng mga lobo.
Sa awitin, ginugunita ni Miley ang kanyang unang pagbisita sa Malibu, isa sa pinakasikat na beaches sa Los Angeles area, noong hindi na siya natatakot lumangoy.
“I never would have believed you if three years ago you told me I’d be here writing this song / But here I am, next to you / The sky’s more blue in Malibu,” aniya sa awitin.
Nagpahiwatig si Miley sa kanyang recent profile sa Billboard magazine na ang Malibu ay tungkol sa kanyang on-off relationship sa Australian actor na si Liam Hemsworth.
Sinabi niya na pag-uusapan siya ng mga tao, “If I come out of a restaurant with Liam. So why not put the power back in my relationship and say, ‘This is how I feel’?”
Ayon kay Miley, isinulat niya ang Malibu habang nakasakay sa taxi patungo sa set ng television singing contest na The Voice, na isa siya sa mga nagbabalik na coach.
Unang sumikat ang 24-anyos bilang child star sa Disney series na Hannah Montana at kalaunan ay naging kontrobersiyal nang magkaroon ng unabashed sexual image bilang pop singer.
Kung ang mga unang awitin niya gaya ng Party in the USA ay mas sumusunod sa usong mainstream pop, mas naging experimental siya sa kanyang huling album na Miley Cyrus and Her Dead Petz.
Ang album na ito, inilabas nang libre noong 2015, ay produced kasama ang psychedelic rockers na The Flaming Lips na kilala sa kanilang ironic at futuristic inclinations. (AFP News)